Maghihintay pa ng kaunting panahon ang mga nagnanais na maging host ng 2015 Palarong Pambansa.

Ito ay dahil lubhang abala ang pamunuan ng Department of Education (DepEd) sa kanilang paghahanda para sa pagsasagawa ng prestihiyosong internasyonal na torneo para sa mga kabataang estudyante na ASEAN School Games na gaganapin sa Markina, PhilSports Arena at Rizal Memorial Coliseum.

Napag-alaman sa isang source sa DepEd na kasalukuyan pa lamang na nirerebisa ng binuo nitong Task Force ang mga proposal ng mga nagsumiteng local government units (LGU’s) para sa kani-kanilang bid at presentasyon upang tanghaling host ng torneo sa susunod na taon.

“The Task Force is still doing inspection on the venues and is still reviewing the bids of the candidate. Medyo busy pa sa ngayon ang DepEd because of the hosting of the ASEAN School Games kaya medyo matatagalan pa bago ang desisyon sa Palaro,” sabi ng source.

National

DOH, nakapagtala ng 17 firework-related injuries sa loob lamang ng 24 oras

Una nang itinakda ang opisyal na pagsusumite ng bid sa hosting ng Palaro noong Oktubre. Isasagawa naman ang 6th ASEAN School Games ngayong darating na Nobyembre 29 hanggang Disyembre 7.

Nag-aagawan sa pagiging host ng 2015 Palaro ang Tagum City, Davao del Norte (R-11), Koronadal City, South Cotabato (R-12), Cagayan de Oro City, Misamis Oriental (R-10), Caraga Region (co-host ang 2 probinsiya at 3 siyudad), at ang Tubod, Lanao del Norte, R-10.

Ito naman ang unang pagkakataon na tatayong host ang Pilipinas sa kada taon na ASEAN Schools Games (ASG). Una nang nag-host ang bansa sa ASG Golf Tournament noong Nobyembre 2013.

Ang ASG ay isinasagawa kada taon upang mapalawak ang pagkakaibigan at pagkakaisa sa mga estudyanteng atleta sa mga bansang nasa Southeast Asian na kinabibilangan ng Pilpinas, Malaysia, Singapore, Indonesia, Brunei, Laos, Vietnam, at Thailand.

Ilan sa pinaglalabanang isports ay track and field, swimming, basketball, badminton, gymnastics, table tennis (ping pong), at volleyball. Kabilang din ang sepak takraw (kick volleyball) at pencak silat (martial arts).

Huling isinagawa ang torneo sa Vietnam kung saan nag-uwi ang Pilipinas ng tatlong tansong medalya na mula sa boys’ javelin throw, isa sa girls’ basketball, at isa sa boys’ volleyball. Tumapos ang Pilipinas na panghuling puwesto sa 0-0-3 ginto-pilak-tansong medalya. Nagwagi ang Vietnam sa overall title sa tinipong 50-27-23. (Angie Oredo)