Nanawagan si Vice President Jejomar C. Binay sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Embahada ng Pilipinas sa Denmark na imbestigahan ang umano’y pagmamaltrato ng mga Pinoy au pair sa bansa.

Ito ay matapos iulat ng Fag og Arbejde (FOA), isang Au Pair Network mula sa Denmark labor union, na siyam sa 10 au pair na nakaranas ng pang-aabuso mula sa kanilang host family sa Denmark ay mga Pinoy.

“In light of recent reports, I urge our embassy in Denmark to look closely into the current situation of our au pairs and make sure that their rights are protected,” pahayag ni Binay.

Ang kahulugan ng “au pair” sa Ingles mula sa salitang Pranses ay “on par” or “equal to” habang sa Pilipino ay “magkapantay.”

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang mga Pinoy na sumasailalim sa au pair program ay gumagawa ng iba’t ibang trabahong pambahay sa kanilang host family at ang kapalit nito ay kompensasyon o libreng pagtira sa kanilang bahay.

Subalit ayon sa ulat ng Au Pair Network, lumilitaw na ginagawa ng mga Pinoy sa Denmark ang trabaho ng isang kasambahay tulad ng mga nakabase sa Hong Kong.

Taong 1997 nang itigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng au pair sa Europe matapos makatanggap ang DFA ng mga ulat ng pagmamaltrato tulad ng maliit na kompensasyon, sobrang oras sa trabaho, diskriminasyon.

Pinasalamatan din ni Binay ang Au Pair Network sa pag-oorganisa ng mga Pinoy au pair at pagsusubaybay sa kanilang kondisyon sa lugar na kanilang pinagtatrabahuhan.