Makabagbag-damdamin na may kaakibat na panunumbat ang magkakasunod na pahayag ng mga pamilya na biktima ng super-typhoon Yolanda: “Hindi naman yung kagandahan ng airport ang dahilan ng pagpunta rito ng Papa kundi kaming mga biktima ng bagyo... Gusto rin naming makita si Pope Francis kahit hindi kami Katoliko... Dapat ipakita sa Papa na ganito ang naging buhay namin noong kami ay binagyo at hindi yung mayayaman ang ihaharap sa kanya...”
Ang naturang mga pahayag ng ilan sa 100 pamilya na binagyo sa Tacloban City ay bunsod ng utos ng mga awtoridad hinggil sa paggiba ng kanilang mga barung-barong; pinalilipat sila sa ibang lugar mula sa kinaroroonan nila ngayon sa malapit sa airport.
Maraming dekada nang naninirahan doon ang nabanggit na mga biktima ng kalamidad. Katunayan, doon nila naranasan ang pinakamasaklap na yugto ng kanilang buhay; halos buong pamilya nila ay doon nangamatay dahil sa mapamuksang si Yolanda. At bakit nga naman ngayon naisip ng mga awtoridad ang pagpapalipat sa kanila?
Tandisang iminatuwid ng mga awtoridad na kailangang maalis ang mga eyesore o mga bagay na nakapapangit sa paningin bilang paghahanda sa banal na pagbisita sa bansa ni Pope Francis sa Enero 15-19 ng taong kasalukuyan. Dito nalantad ang walang katulad na pagkukunwari ng kinauukulang mga pinuno ng gobyerno. Nais nilang ikubli sa pinakamataas ng lider ng Simbahang Katoliko ang tunay na situwasyon ng nasabing mga lugar na pininsala ni Yolanda. Katunayan, bilang bahagi ng kanyang mga prinsipyo, nais niyang makapiling, makasalo sa pagkain ang mga maralitang pamilya na hanggang ngayon ay nananatiling naghihikahos sa mga evacuation centers. Sila, at hindi ang mayayaman at makapangyarihan, ang tunay na malapit sa kanyang puso. Ang pinakamabuting alternatibo para sa pamahalaan ay bilisan ang rehabilitasyon sa nasabing mga lugar na hanggang ngayon ay mistulang hinagisan ng pamatay na atomic-bomb.
Ang matapat at banal na pagbisita ni Pope Francis ay hindi dapat tumbasan ng mga pagkukunwari at hypocrisy ng administrasyon.