Ni ELLAINE DOROTHY S. CAL

Nagsanib-puwersa kamakailan ang mga miyembro ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF), katuwang ang media, sa pagpapalaganap ng paggamit ng Filipino at katutubong diyalekto sa paggabay sa mga hakbangin laban sa climate change.

Bawat buwan ay nagdaraos ang KWF ng pulong sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas sa layuning ipabatid ang kahalagahan ng wikang Filipino.

Sa pangunguna ni Dr. Purificacion G. Delima, full-time commissioner, nagtungo kamakailan ang KWF sa Hotel Venezia Convention Center sa Legazpi City sa Albay at binigyang-diin ang kahalagahan ng lokalisasyon sa pagpapabatid ng mga impormasyon tungkol sa panahon at climate change.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Layunin nitong gabayan ang mga lokal na pamahalaan sa tamang pangangalaga ng kapaligiran, magbigay ng angkop na pagtugon sa panahon ng kalamidad dala ng climate change, paunlarin ang “inner ecology” ng bawat indibidwal sa komunidad at maiparating ang mahahalagang tungkulin sa pangangalaga sa kapaligiran.

Sa pagpapalaganap ng mga impormasyon sa komunidad ay naging mahalaga ang paggamit ng katutubong wika sa pagpapaunlad ng inner ecology sa bawat miyembro ng komunidad.

Samantala, nilinaw ni Director General Roberto T. Añonuevo ang ulat sa pagsusuri ng Silabus sa Filipino ng K-12.

Sinabi ni Añonuevo na hindi nila kinakalaban ang DepEd.

“Una sa lahat, gusto ko lang pong linawin na hindi po namin kinakalaban ang DepEd bagkus nais po naming makipagtulungan sa kanila tungo sa kultibasyon at standardisasyon ng wikang Filipino,” ani Aňonuevo

Inihayag din ng KWF ang tungkol sa librong “Atlas Filipinas” na layuning bumuo ng bagong “language map” na magpapakilala sa mga diyalekto sa bansa at magbigay ng makabuluhang impormasyon tungkol sa mga ito.

Dagdag pa rito, bubuo rin ang komisyon ng awtorisadong directory ng mga opisyal na pangalan ng mga probinsiya, munisipalidad, at iba pang mahahalagang lugar sa Pilipinas.

Pakay din ng libro na magkaroon ng makabuluhang pagtalakay ang kinauukulan upang makaambag sa pagpapalalim ng kaalaman ng mamamayan sa kasaysayan ng kani-kanilang lalawigan, lungsod, bayan at barangay.