Ni Leslie Ann G. Aquino

Ang close-in photographer ng yumaong Papa at ngayo’y Saint John Paul II sa dalawang beses nitong pagbisita sa Pilipinas ang napipisil na maging official photographer ni Pope Francis sa pagbisita ng huli sa bansa sa Enero 2015.

Isinumite na sa Vatican ang pangalan ni Noli Yamsuan, official photographer ng Archdiocese of Manila, at hinihintay na lamang ng mga lider ng Simbahang Katoliko sa bansa ang kumpirmasyon hinggil dito.

“Wala pang confirmation pero sana matanggap ako,” ani Yamsuan sa panayam.

VP Sara, tahasang iginiit na hindi niya binoto si Romuadlez

Kapag natanggap sa ikatlong pagkakataon bilang official photographer ng Papa, naniniwala si Yamsuan na halos hindi naiiba ang kanyang pag-cover sa pagbisita ni Pope Francis subalit posible aniyang mas nakapapagod ito kumpara sa kanyang pagtutok sa dalawang beses na pagbisita ni noo’y Pope John Paul II.

“Baka mapagod ako agad…kasi tumanda tayo nang konti. Pero naniniwala akong magiging madali lang ang coverage dahil ito ay pinaghandaan din,” ani Yamsuan.

Naniniwala rin ang professional photographer na maganda ang magiging coverage kay Pope Francis dahil halos lahat ng mamamayan ay may kani-kanilang camera.

“Ang tawag ko dyan ay ‘citizen photography’ at ‘yan talaga ang gusto ko. Sana mas maraming tao ang kumuha ng litrato (ni Pope Francis),” giit niya.

Plano rin ng Archdiocese of Manila na gumawa ng libro sa pagbisita ni Pope Francis at hihingi ang mga ito ng magagandang larawan ng Papa na kuha ng mga ordinaryong tao na hindi niya nakunan upang magamit sa kanilang documentary.