Kailangang magpakita rin ang Senate Blue Ribbon Committee ng parehong sigasig sa pag-iimbestiga sa umano’y overpriced na Iloilo convention Center tulad ng imbestigasyon sa Makati City Hall Building II, sinabi ni Sen. Francis “Chiz” Escudero noong isang araw.

Sa imbestigasyon ng Iloilo project maipakikita sa publiko na patas ang Senado kahit pa isa sa isinasangkot ay si Senate President Franklin Drilon, na isa sa malalapit na kaalyado ng administrasyong Aquino, ayon kay Sen. Escudero.

Sa nakalipas na ilang buwan, naghihintay ang publiko sa anumang indikasyon na ang mga hakbang laban sa malawakang iregularidad sa maling paglulustay ng pondo ng bayan ay uusad nang higit pa sa pagsasampa ng kaso at pagkukulong nang walang piyansa sa tatlong senador ng oposisyon. Paulit-ulit na idineklara ng Department of Justice (DOJ) na inihahanda na nito ang pangalawa at pangatlong batch ng mga kaso laban sa mga mambabatas na may kaugnayan kay Janet Lim Napoles at sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam. Wala nang narinig mula sa DOJ, kung kaya lumutang ang akusasyon ng “selective justice” laban sa administrasyon.

Inihinto ng Senate Blue Ribbon Committee ang anumang pagsisiyasat sa PDAF. Sa halip, isang sub-committee ng Blue Ribbon ang naglunsad ng imbestigasyon sa isang iba pang isyu – ang umano’y overpriced Makati building. Ang inaasinta sa imbestigasyon ay si Vice President Jejomar Binay, ang nangungunang kandidato ng oposisyon sa pagkapangulo sa 2016.

National

Surigao del Norte, niyanig ng 4.0 magnitude na lindol

Kapwa kinuwestiyon nina Vice President Binay at Senate President Drilon ang mga motibo ng mga nagsusulong ng imbestigasyon. Nakikita ni Binay na ang layunin ng kampanya ng Liberal party ay ang bawasan ang malaki niyang puntos sa mga survey hinggil sa napupusuan ng publiko para sa pagkapangulo sa 2016. Ani Drilon naman, ang nagsampa ng kaso laban sa kanya sa Ombudsman ay naudyukan ng pagkamuhi sa kanya dahil sinibak ito ni Drilon at sa pagtanggi niyang sa kahilingan nitong iendorso ito sa maraming puwesto sa gobyerno.

Ang mga motibo ay maliliit na konsiderasyon lamang sa mga kasong ito. ang mahalaga ay iniimbestigahan sila nang walang kinikilingan, nang patas, nang walang pasubali sa posisyon sa pulitika ng mga nasasangkot, maging kakampi man sila o kalaban ng administrasyon.

Sa kaso ng dalawang umano’y overpriced na building, interesanteng mabatid na kapwa ito itinayo ng iisang construction company, na sangkot din sa maraming iba pang government project. Para sa Senado na maging masigasig sa isang kaso at huwag pansinin ang isa pang kaso ay nakapagdududa at hindi katanggap-tanggap.