Allen Iverson in Manila

Hindi na naitago ng mga miyembro ng Ball Up Streetball All-Stars ang kanilang excitement na magpakitang gilas sa harap ng Pinoy basketball fans.

Dumating kahapon ng umaga lulan ng PR103 flight mula Los Angeles, California, sina Taurian Fontenette, Larry Williams, at Ryan Williams ay nagpahayag ng kanilang kagalakang makabisita sa Pilipinas.

Ang trio ay bahagi ng seven-man team ng Ball Up na bibitbitin ang Team Gawad Kalinga sa charity basketball event na “All In,” na pangungunahan ng dating NBA MVP at 11-time All-Star na si Allen Iverson. Sila ay sasamahan ng mga dating manlalaro ng PBA na sina Jerry Codinera, Willie Miller at Renren Ritualo sa kanilang paglaban sa Team PCWorx, na igigiya ni two-time grandslam-winning coach Tim Cone at binubuo ng UAAP-NCAA selection sa pangunguna ni reigning MVP Kiefer Ravena ng Ateneo at Jeron Teng ng La Salle, habang magsisilbi namang reinforcements ang mga galing NBA na sina Eddy Curry at DerMarr Johnson.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Ang nasabing basketball fundraiser, handog ng PCWorx at layong makakalap ng pondo para sa pagpapagawa ng mga bahay para sa mahihirap na pamilyang Pilipino, ay nakatakda sa Miyerkules, Nobyembre 5, sa Mall of Asia Arena.

Kilala bilang si “Air Up There” at nagpasikat sa 720-degree dunk, ang 6-foot-3 na si Fontenette ay alam kung gaano kahilig sa basketball ang mga Pilipino. Ang kanyang kaalaman sa Filipino basketball ay nagmula sa dating college roommate at ngayo’y manlalaro sa PBA na si Joe DeVance.

“I’m just looking forward to being in the Philippines for the first time. Joe has told me so much about basketball in the country and I can’t wait to see it for myself and do what I love against global talent,” ani Fontenette.

Binansagan naman bilang “Bone Collector,” ipinahayag ni Larry Williams ang kasabikang makasalamuha ang kanyang Filipino fans na aniya’y bumubuo ng malaking porsiyento ng kanyang social media followers.

“A lot of my fans have reached out to me on social media and made me aware of how Fiipinos love basketball,” banggit ng alamat ng Rucker Park. “I can’t wait to perform in Manila, especially for those who haven’t seen me play in person yet.”

Sa kabilang banda, sinabi ni Ryan Williams ang kanyang pagkamangha sa talento ng mga Pilipino pagdating sa isport. Regular siyang naglalaro kasama ang mga Filipino-Americans sa New York City kung saan siya ipinanganak at lumaki at paminsan-minsan ay nakakapanood din ng highlights mula sa PBA.

“I play in a Filipino league in NYC, so I pretty much have an idea about the Philippines’ brand of basketball. I also know how passionate the fans are and the Filipino players play hard. That’s my type of atmosphere,” lahad ni Williams, na may palayaw na “Special FX” dahil sa kanyang makatindig-balahibong mga dunk.

Bago ang naturang charity game, magsasagawa sina Iverson at Cone ng youth basketball clinic para sa kabataang edad 10-15 sa Gawad Kalinga Bulaklakan Chapter sa Bgy. Holy Spirit sa Quezon City sa Nobyembre 4.

Suportado ng Philippine Airlines, NBA Café Manila, Solaire Resort and Casino, Samsung, Intel, Microsoft, PhilCare, Canon, Rapoo, Accel, and the Mall of Asia Arena, mabibili pa rin ang mga tiket sa “All In”, sa 50% diskwento, online sa www.smtickets.com, lahat ng SM Tickets outlets, at piling mga sangay ng PCWorx sa Metro Manila. (Kristina Maralit)