KAARAWAN ni Batangas Gov. Vilma Santos-Recto kahapon pero walang naganap na pampublikong selebrasyon dahil nagkaroon ng impeksiyon ang kanyang ilong.
Pinayuhan siya ng kanyang mga doktor na manatili sa bahay dahil bawal siyang makalanghap ng alikabok at mabilad sa araw at ipinagbawal din ang makeup at trabaho na maarawan siya.
Pero, siyempre, nakasama ni Ate Vi ang buong pamilya niya.
“Family lang muna ako,” sabi ng Star for All Seasons nang makausap namin last Sunday.
“Pero magkakaroon din ng salu-salo sa empleyado sa Batangas Capitol. Ito kasing ilong ko, na-infection. Bawal ang make-up. Lagi akong naglalagay ng sun block. Para tuloy ako si Rudolph The Red Nose Reindeer! But ayon sa aking EENT, wala namang problema sa nose ko.”
Kuwento ni Ate Vi, nag-umpisa ang impeksiyon sa ilong niya noong nasa London sila ni Sen. Ralph Recto. Dahil na rin sa infection, kanselado na ang showbiz commitments ng multi-awarded actress/public servant.
“Dapat nga ay may guesting ako sa ASAP. May gagawin din akong TV shoot for commercial. Kaso bawal lagyan ng makeup ang mukha ko dahil baka lumala ‘yung nasa nose ko. So pack-up muna ang showbiz commitments ko pati na ‘yung iba kong activities,” banggit pa ni Ate Vi.
Pero wala naming daw dapat ipag-alala ang kanyang mahal na Vilmanians. Maayos naman daw ang health niya. Kaya kapag gumaling na ang impeksiyon sa ilong niya, pagtutuunan na niya ng pansin ang showbiz commitments niya.
“Miss ko na ang lahat, mga fans ko at ang mga kaibigan natin sa press. Basta ‘pag okey na ang lahat, eh, magkikita-kita rin tayo at nang makapagkumustahan naman,” lahad pa rin Ate Vi.
Samantala, inihahanda na rin ni Ate Vi ang sarili niya para sa gaganaping Ala Eh Festival sa Disyembre.