Malabong makalusot sa Kamara ang isang panukala na inihain sa Senado na mag-oobliga sa mga bangko na subaybayan ang bank account ng mga politically exposed person (PEP), ayon kay Speaker Feliciano Belmonte Jr.
Nagpahayag ng pagdududa ang lider ng Kamara na ang House Bill No. 6713 ni Senator Miriam Defensor-Santiago ay makapapasa sa Mababang Kapulungan dahil, aniya, trabaho na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na manmanan ang bank account ng mga pulitiko.
Sa ilalim ng panukala na aamyenda sa RA 6713 (Code of Ethics for Public Officials and Employees), hangad ni Santiago na ipagbawal ang paglalagay ng asset ng mga pulitiko sa pangalan ng kanilang kamag-anak at kasosyo sa negosyo bilang nominee, dummy o front.
Nakasaad sa panukala na kukumpiskahin ng gobyerno ang ari-arian ng isang pulitiko na gagamit ng dummy at ililipat ito sa pag-aari ng huli.
Naniniwala naman si Quezon City Rep. Winston “Winnie” Castelo na posibleng tabangan ang maraming tao na maghangad na mahalal dahil sa nasabing panukala ni Santiago.
“The intention is laudable, but what she has been proposing is tantamount to a class legislation on politicians. It could be taken as sort of a bill of attainder on politicians. Its enactment could be questioned on constitutional ground,” paliwanag ni Castelo.
Ibinasura rin ni Misamis Occidental Rep. Jorge Almonte, chairman ng House Committee on Public Information, ang panukala dahil ang mga PEP ay sinusubaybayan na ng AMLC.