NEW YORK (AP) – Sa larong napasama siya sa 20,000-point club ng NBA, umiskor si Carmelo Anthony ng 28 puntos, kabilang ang go-ahead basket sa natitirang 1:23 at nalampasan ng Knicks ang Charlotte Hornets, 96-93, kahapon.
Gumawa si All Jefferson ng 21 puntos at nagdagdag si Gary Neal ng 17 puntos mula sa bench para sa Hornets (1-2), na natikman ang ikalawang sunod na pagkabigo.
Ang guwardiya ng Charlotte na si Michael Kidd-Gilchrist ay nahulog sa huling bahagi ng first quarter at hindi na nagbalik sa laro. Ayon sa tagapagsalita ng Hornets, si Kidd-Gilchrist ay dinala sa isang New York City area hospital para sa isang CT scan na nagpakita na siya ay may rib contusion.
Naglista si Amar’e Stoudemire ng 17 puntos mula sa bench para sa Knicks (2-1) para sa kanilang ikalawang sunod na panalo. Nagdagdag naman si Iman Shumpert ng 15 puntos.
Si Anthony, isang seven-time All-Star, ay inumpisahan ang laro na may 19, 997 puntos. Nakuha niya ang ika-19, 999 puntos makaraan ang isang basket sa opening seconds ng laro. May 7:42 natitira sa opening quarter, napasahan siya ng point guard na si Shane Larkin sa wing para sa isang 3-pointer at dito ay naging ika-40 manlalaro siya sa kasaysayan ng liga na nakaiskor ng 20,000 puntos sa kani-kanilang careers.
Resulta ng ibang laro:
Miami, 107, Toronto 102
Sacramento 98, LA Clippers 92
Golden State 95, Portland 90