Ni ELENA L. ABEN

Dalawang sundalo na tumutulong sa Mayon evacuees ang napatay ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Daraga, Albay, kahapon ng umaga.

Ayon kay Maj. Angelo Guzman, tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP)-Southern Luzon Command (Solcom), nangyari ang insidente dakong 7:40 ng umaga sa Barangay Anislag sa Daraga.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina PFC Dario Mahawis at PFC Jerome Sambrona.

National

FL Liza Araneta-Marcos, nanguna sa pagbubukas ng ilang atraksyon sa Intramuros

Sinabi ni Guzman, batay sa report sa kanya ni Lt. Col. Perfecto Peñaredondo, commanding officer ng 2nd Infantry Battalion sa Albay, na patungo sa evacuation center sa Bgy. Anislag ang dalawang sundalo nang mangyari ang pagpatay.

Aniya, agad siyang nagpadala ng squad matapos ang pag-atake. Naka-engkuwentro ng militar ang NPA sa limang minutong bakbakan.

Agad namang ipinag-utos ni Col. Raul Farnacio, commander ng 901st Brigade, ang pagpapadala ng iba pang unit sa lugar upang tugisin ang mga rebelde.

Kinondena ng militar ang pagpatay kina Mahawis at Sambrona, sinabing “nakakalungkot na maging ang mga sundalong nagbibigay ng humanitarian assistance ay tinatarget ng NPA.”

“Sa kabila ng pag-atake, hindi titigilan ng Solcom ang pagtulong sa Albay,” sabi ni Guzman.