Naging matagumpay ang kampanya ng mga pinaghalong bata at beteranong miyembro ng Wrestling Association of the Philippines (WAP) sa pag-uuwi nila ng 3 ginto, 9 na pilak at 2 tanso sa ginanap na Southeast Asia-Australia Wrestling Championships sa Singapore.
Asam na makabangon mula sa nakakadismayang kampanya sa nakalipas na mga internasyonal na torneo, dinomina ng Pilipinong grapplers ang walong bansang SEA-Australia Wrestling Championships upang pagandahin ang tsansa sa susunod na taon na 2015 Southeast Asian Games.
Nagpadala ang Pilipinas ng kabuuang 14 na atleta na lahat ay nagawang magsipag-uwi ng medalya sa isang linggo na torneo upang ipamalas ang kahusayan ng mga Pilipino sa disiplina.
Tinalo ng taga-Zamboanga na si Johnny Morte ang apat na nakasagupa sa 61 kg sa freestyle upang makumbinsi ang mga technical officials na iboto ito bilang Best Scientific Wrestler o kasing kahulugan ng MVP sa torneo.
Ang dalawa pang nag-uwi ng gintong medalya ay sina Alvin Lobroquinto sa 57kgs Fresstyle at ang nagbabalik na heavyweight Freestyle grappler na si Francis Villanueva.
Ang kompetisyon ay nilahukan naman ng mga karibal na pambansang atleta sa katabing bansa ng Pilipinas na ang iba ay katatapos lamang lumahok sa Incheon Asian Games.
Ang nagwagi ng mga medalyang pilak ay binubuo nina dating SEA Games champion Jayson Balabal at Ismael Trazona, na kapwa natalo sa kanilang nakatapat mula sa Australia na kinuha bilang import mula sa Greece at India.
Tatlong iba pang nagbabalik na wrestlers na sina Efralyn Calitis Crosby, Mary Rose Marinas at Robertson Torres ang nag-uwi rin ng pilak kasama sina Noel Norada, Jefferton Manatad, Batang pinoy discovery Minalyn Foy-os at si Grace Loberanes.
Nag-uwi naman ng tanso sina Joseph Angana at bagong diskubre rin na si Rosegyn Malabha.