Mananatiling miyembro ng gabinete si Vice President Jejomar Binay sa kabila ng mga alegasyon ng katiwalian na kinahaharap nito, ayon sa isang opisyal ng Palasyo.
Sinabi ni Presidential Communications Operations Secretary Herminio Coloma Jr. na nagpapatuloy din ang regular performance check ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa mga miyembro ng gabinete, kabilang si Binay, upang matukoy kung karapat-dapat ang mga ito na manatili sa puwesto.
Dalawang ahensiya ng gobyerno ang kasalukuyang pinamumunuan ni VP Binay, ang Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) at siya rin ang Presidential Adviser on Overseas Filipino Workers.
“‘Yan po ang mga larangan na kung saan ay inaasahang gagawin niya ang kanyang tungkulin bilang miyembro ng gabinete. At ang Pangulo po mismo ang sumusuri at gumagawa ng ebalwasyon sa kanyang (Binay) pagiging epektibo sa ganitong puwesto,” pahayag ni Coloma sa radyo.
“Ang kanyang pananatili po diyan ay naaayon sa patuloy na kumpyansa at pagtitiwala ng ating Pangulo,” dagdag ni Coloma, na umano’y kahanay sa “Samar group,” isa sa dalawang paksiyon sa Palasyo, na sinasabing kaalyado ni VP Binay.
Nang tanungin kung buo pa rin ang kumpiyansa at tiwala ni Aquino kay Binay, sinabi ni Coloma na wala namang inihahayag ang Punong Ehekutibo tungkol sa naturang usapin. - Genalyn D. Kabiling