Hindi pa naman nakapaghahanda at nakapagsasanay ang mga pambansang atleta ay agad nang nabawasan ng medalya ang Pilipinas sa susunod nitong kampanya sa internasyonal na torneo na 28th Southeast Asian Games na gaganapin sa Singapore simula Hunyo 5 hanggang 16.

Ito ay matapos na humingi ng tulong ang Philippine Taekwondo Association (PTA) sa kinaaaniban nitong Philippine Olympic Committee (POC) na baguhin ang ninanais ng Singapore SEA Games Organizing Committee na alisin ang ilang weight divisions sa disipilina na paglalabanan sa 2015 SEA Games.

Una nang pinag-usapan habang isinasagawa ang 27th Myanmar SEA Games ang lahat ng paglalabanang sports sa susunod na edisyon ng kada dalawang taong torneo bago isinapinalisa ng Singapore SEA G Organizing Committee ang pinal na numero ng mga sports na kasali.

Idinulog mismo ni PTA secretary general Monsour del Rosario ang problema sa ginanap na POC General Assembly sa Wack Wack Golf and Country Club kung saan inamin nito na malaki ang magiging epekto ng pag-aalis sa ilang weight divisions sa hangarin ng Pilipinas na makasungkit ng medalya sa torneo.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Ito ay dahil kumpara sa dating tiganim na weight classes sa kalalakihan at kababaihan, ipinaalam ng organizers na babawasan ito ng tatlo na magdudulot na lamang ng tig-tatlong weight category sa bawat dibisyon.

Ang organizer din na Singapoore ang mamimili kung ano ang weight divisions na paglalabanan.

Ipinaliwanag ni Del Rosario na sapul noong 1987 SEAG ay kabuuang 12 ang weight divisions na pinaglalabanan kung kaya naging kagulat-gulat ang aksyon ng host country.

Maliban sa taekwondo, binawasan din ang weight classes sa judo habang ang event na sanda sa wushu ay naging dalawa na lamang mula sa dating pito.

Tampok sa 2015 Southeast Asian Games ang kabuuang 36 sports na may 402 events. Huli naman na tumapos ang Pilipinas sa pinakamasamang ikapitong puwesto sa Myanmar SEAG noong 2013 bitbit lamang ang 29 ginto, 34 pilak at 38 tansong medalya.