Ipinagdiriwang ngayon ng Republic of Panama ang kanilang Separation Day, na isang paggunita sa pormal na separasyon nito mula sa Colombia noong 1903. Idinaraos ng Panama ang pista opisyal na ito sa malalaking parada sa Panama City, ang kapital ng naturang bansa.
Ang ekonomiya ng Panama ay isa sa pinakamalalaki sa rehiyon. Nakabase ito sa toll revenues mula sa tanyag na Panama Canal, na 80 kilometro ang haba at naghahati sa bansa sa eastern at western na region. Kahanga-hanga ang Panama Canal sa larangan ng engineering at isa ito sa pinakamahalagang lagusan sa daigdig.
Dahil sa planadong lokasyon nito, ang naturang bansa ay isang international business center na may well-established service sector lalo na sa banking, trading commerce, at turismo. Tahanan ito ng iba’t ibang halaman at hayop na ang ilan ay matatagpuan lamang sa naturang bansa. Mataas ang Human Development Index ng Panama – panlima sa mga bansa sa Latin America at ika-59 sa daigdig noong 2013.
Binabati natin ang mga mamamayan at pamahalaan ng Republic of Panama sa pangunguna ni Pangulong Juan Carlos Varela, sa okasyon ng kanilang Separation Day.