Tanging ang men’s beach volleyball team na lamang ang sasagupa at magtatangkang maguwi ng medalya para sa delegasyon ng Pilipinas sa paglahok nito sa 2014 Asian Beach Games sa Phuket, Thailand na magsisimula sa Nobyembre 14 at magtatapos sa 23, 2014.

Ito ay matapos na tuluyang umayaw ang dalawang koponan sa kababaihan na dapat sanang bubuuin ng unang pareha nina Dindin Santiago at Jovelyn Gonzaga habang ang ikalawang pareha ay sina Jaja Santiago at Nerissa Bautista na mula sa National University at Philippine Army.

Napag-alaman sa Philippine Volleyball Federation (PVF) na idinahilan ng dalawang koponan sa kanilang pag-atras sa kada dalawang taong torneo ang kani-kanilang mga responsibilidad sa kinaaanibang koponan sa isinasagawang mga komersiyal na liga at sa nalalapit na pagbubukas ng UAAP volleyball sa Nobyembre 22.

Dagdag din na dahilan ang kawalan ng pondong gagastusin para sa mga koponan sa paglahok nito sa ikaapat na edisyon ng torneo dahil hindi suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) ang paglahok ng delegasyon.

National

VP Sara sinabing si Romualdez ang gustong pumatay sa kaniya

Dahil sa pag-atras ng mga koponan sa kababaihan ay naiwan na lamang ang representasyon ng Pilipinas sa mga koponan na kalalakihan na binubuo ng pareha ng ilang beses tinanghal na kampeon na sina Jade Picaldo at Edward Ybanez pati na rin ang pares nina Edward Bonono at Joujie Tipgos.

Umaasa naman si Team Philippines Asian Beach Games chef de mission Richard Gomez na tuluyang matitighaw ng delegasyon ang pagkauhaw sa gintong medalya matapos ang tatlong edisyon ng torneo kung saan tanging naiuwi nito ay apat na pilak at 10 tanso.