Inaasahang makukumpleto ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang paperless o full computerization ng paghahain ng returns at pagbabayad ng buwis bago magtapos ang administrasyong Aquino sa 2016.
Sinabi kahapon ni BIR Commissioner Kim S. Jacinto-Henares na makikinabang ang mga taxpayer, gayundin ang BIR, sa nasabing automation project.
Una na rito ay mawawala na ang mahahabang pila tuwing panahon ng tax filing bukod pa sa milyun-milyong piso ang matitipid ng BIR sa pagbili ng office supplies, gaya ng papel.
Aniya, mas madali na ngayon ang pagtukoy sa mga nandadaya sa buwis, partikular ang mga hindi naghahain ng returns, sa pamamagitan ng pagkuha ng impormasyon mula sa data warehouse.
Abala ngayon ang ahensiya sa pagbubukas ng mga e-lounge sa 132 district office nito sa bansa.
Mahigit 50 ng mga nasabing computer station ang naikabit na, kabilang ang 30 nasa mga tanggapan ng BIR sa Metro Manila.
Sinabi ni Henares na layunin ng kanyang pamunuan na gamitin ang information technology upang mapadali ang paghahain at pagbabayad ng buwis.
Ang eBIRForms ay available na ngayon sa website ng BIR na ginagamit ngayon ng maraming taxpayer, partikular ang mga nakarehistro sa efiling and payment system (eFPS).
May dalawang uri ng eBIRForms, isang offline software package na maaaring i-download at i-install sa computer ng taxpayer, at ang web-based, na maaaring ma-access sa pamamagitan ng BIR website (www.bir.gov.ph), sa ilalim ng eService icon nito. (Jun Ramirez)