Ni SAMUEL P. MEDENILLA

Sa kabila ng pag-uuwian ng ilang overseas Filipino worker (OFW) mula sa mga bansa sa West Africa na apektado ng Ebola, inihayag ng gobyerno na isinasapinal pa nito ang mga paghahanda para sa mass repatriation mula sa apektadong rehiyon.

Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni Labor and Employment Secretary Rosalinda Baldoz na hindi pa mapapauwi ng gobyerno ang nasa 2,000 OFW mula sa Liberia, Guinea at Sierra Leone hanggang hindi pa naisasaayos ng Department of Health (DoH) ang lugar na magsisilbing pansamantalang quarantine facility para sa mga ito.

“We are still awaiting for the official announcement (on the repatriation) from DoH, which is expected to come by the middle of November,” ani Baldoz. Una nang iniulat ng DoH na may ‘sandaang OFW mula sa tatlong bansang African ang dumating sa umuwi sa bansa sa nakalipas na mga linggo at na-clear na mula sa posibleng pagkahawa ng Ebola matapos sumailalim sa mandatory na 21-araw na quarantine procedure.

National

‘Huli sa akto!’ Empleyado sa GenSan, sinubukan umanong lasunin ang boss niya

Ang pagpayag ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na magbalik ang mga nasabing OFW sa Africa ay nakasalalay pa sa pagapruba ng DoH.

“POEA is holding processing of contracts until cleared by DoH,” sabi ni Baldoz. “We want to be guided by written guidelines when imposing ban based on health issues.”

Una nang tiniyak ng DoLE na naghanda ang kagawaran ng alternatibong local at overseas employment opportunities para sa mga maaapektuhang OFW.

Iginiit noong nakaraang linggo ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang panawagan nito sa mga OFW para boluntaryong lisanin ang Liberia, Guinea at Sierra Leone.

Itinaas na ng DFA ang crisis alert level 2 o ang restriction phase sa nasabing mga bansa dahil sa patuloy na pagdami ng namamatay sa Ebola.

Batay sa huling report tungkol sa pandaigdigang kaso ng Ebola, sinabi ng World Health Organization (WHO) na 4,951 katao na ang namatay dahil sa nasabing sakit, habang 13,567 na iba pa ang apektado nito.