Wala na raw “flip-flopping” sa pahayag ni Pangulong Noynoy Aquino na hindi na siya magtatangka pang amyendahan ang 1987 Constitution na sinulat noong panahon ni Tita Cory upang makatakbong muli sa panguluhan gaya ng pang-uurot ng mga taong malapit sa kanya. Samakatwid, pinal na ang kapasiyahan ng binatang Pangulo at hindi magbabago pa ng isip para sa term extension. Sa Tagalog, ang “flip-flopping” ay pabagu-bago ng isip o desisyon.

Akala yata ng kanyang cordon sanitaire, tanging si PNoy ang pag-asa ng bayan, ang nag-iisang “Mesiyas” na hahango sa kahirapan at kagutuman ng mga mamamayan at tatabas sa kurapsiyon sa gobyerno at iba pang sektor ng lipunang-Pilipino.

Nagkakamali kayo mga mang-uurot sapagkat ngayon ay may 100 milyong populasyon na ang Pilipinas at siguro naman ay merong isa o ilang matitinong Pilipino na makabayan, sinsero sa paglilingkod sa bayan at hindi puro pandarambong sa kabang-yaman at ang tanging naiisip ay kung paano pupunuin ang kanilang bulsa ng salaping galing sa pawis, dugo at buwis ng mga mamamayan.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Inaprubahan na ng Kamara sa pangatlo at huling pagbasa ang P2.6 trilyong pambansang budget para sa 2015 sa kabila ng matinding pagkontra ng minorya. Sa botohang 198-18 noong Miyerkules, nilamay ng mga kongresista ang pagtalakay at paghimay sa national budget, kabilang ang kontrobersiyal na P4.7 bilyong “errata”, mga pagbabagong isiningit daw ng Department of Budget and Management na pinagdududahan ng minorya sa pangunguna ni Bayan Muna Rep. Neri Colmenares. Gagamitin daw ang mga isiningit na pagbabago para sa administrasyon.

Si Sen. President Franklin Drilon, ang Big Man ng Senado, naman ngayon ang nasa hot spot kaugnay ng umano ay P487.8 milyong overpriced construction ng Iloilo Convention Center. Sinampahan na si Sen. Frank ng kaso sa Office of the Ombudsman ng dati niyang pinagkakatiwalaang tauhan at ex-Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada Jr. Kasama sa reklamo laban kay Big Man sina DPWH Sec. Rogelio Singson at Tourism Sec. Ramon Jimenez Jr. at anim pang opisyal ng gobyerno at pribadong indibidwal.