Humaharap ang ating bansa sa maraming kapahamakan; nariyan ang mga bagyo, lindol at baha na gawa ng kalikasan; nariyan din naman ang sunog at banggaan ng mga sasakyan na gawa naman ng tao. Marami sa ating mga kababayan ang dumaranas ng kapighatian dahil sa mga kapahamakang ito. At kahit na ang ibang tao na hindi naman talaga apektado, ay waring naapektuhan na rin dahil sa situwasyong sinapit ng kanilang kapwa – malayo man o malapit sa kanila. Kaya nalalagay din sila sa situwasyon na waring wala silang magawa kundi ang maawa na lamang sa mga naapektuhan.
Kapag nangyari ang isang kapahamakan, katiting na lamang ang panahon upang magsagawa ng pag-analisa ng situwasyon; at mahirap magpasya kung ano ang iyong gagawin. Naapektuhan ng mga tagpong ito sa buhay ang ating sarili, ang ating pamilya, mga kaibigan at kahit mga kakilala lamang. Kung paano preparado ang isang tao at kung paano siya tutugon sa isang mahigpit na situwasyon ay may epekto sa magiging resulta ng insidente. Kaya kapag dumating ang sandaling iyon, makatutulong ka ba o magiging pabigat lang?
Maaaring isipin mong “Hindi ako bayani. Hindi ako magaling sa first-aid. Wala akong maitutulong sa situwasyong iyon.” Tandaan na ang mga propesyunal na rumeresponde sa mga emergency situation mula sa ilang ahensiya ng pamahalaan ay minsang mga karaniwang mamamayan lamang na nagpasyang sumailalim sa pagsasanay upang rumesponde sa mga krisis. Mga pulis, bumbero, paramedic, at mga medical technician ay nagpaigting ng kanilang galing upang makatulong sa mga krisis nang kalmado at sistematiko kung kaya mas mataas ang kalidad ng ipinagkakaloob nilang pangangalaga. Sa pamamagitan ng paggamit ng ilan sa mga taktikang ito, kahit sino ay maaaring maging handa upang maging mas maaayos at angkop ang kanilang pagtugon sa aktuwal na emergency.
May ilang estratehiya na maaaring matutuhan ng kahit sino at gamitin sa sandaling humarap sila sa isang krisis. Kung nag-aatubili ang ilang tao sa iyong paligid, ikaw ang unang reresponde upang gumaan ang situwasyon para sa lahat.
Sundan bukas.