Ayoko talaga sa sinungaling, manloloko, mandaraya... teka... pare-pareho lang yata ang kahulugan niyon. Anyway, lumilikha ang maraming biktima ang taong hindi matapat. Nawalan ako ng pera dahil ipinagkatiwala ko iyon sa mga taong hindi pala mapagkakatiwalaan. Nawalan ako ng mga pinamili dahil dinampot ng kasama ng aleng aking napagtanungan nang ilapag ko ang aking shopping bag. Nasalisihan ako ng tindera ng isda nang laking gulat kong nabulatlat ang isang nabubulok na isda na nakasama sa binili ko. At dinaan na lamang sa tamis ang gulaman na ininom ko upang mapakalma ang aking init ng ulo sa pagkawala ng aking pinamili. Naawa talaga ako sa isang guro na nasalisihan sa bangko, nasimot sa kanyang ATM account ang kanyang retirement pay. Lalo na ang jeepney driver na nangitim na ang kanyang balat ng butas ng ilong sa buong araw na pagmamaneho para lamang ipaholdap ang lahat ng kanyang kinita.
Ayaw rin ng Diyos sa mga taong hindi matapat. Ayon nga sa Mabuting Aklat, kinasusuklaman ng Panginoon ang madayang timbangan ngunit ang eksaktong timbangan ang Kanyang kinalulugdan. Tinutukoy nito ang mga mandaraya sa palengke at iba pang uri ng pamilihan o bahay-kalakal. Dinadagdagan nila ang pabigat ang mga timbangan, sumisingil sila ng mahal, mahina ang kalidad ng kanilang kalakal at kapos sa sangkap ang kanilang ibinebentang produkto. Ayaw ng Diyos ng ganoong pamamaraan. Ang matatapat na tao, gayunman, ang gumagawa ng tama, kahit na mahirapan o magastusan pa sila.
May amiga akong nalugi sa kanyang negosyo at humilahod ang iniingatan niyang reputasyon at puhunan. Sapagkat tuwiran niyang inihayag sa kanyang mga pinagkakautangan ang kanyang pagdarahop, hindi siya pinuwersang magbayad ng kanyang mga obligasyon. Nang sumigla uli ang kanyang negosyo, nabayaran niya kalaunan ang kanyang mga pagkakautang.
Ang ating katapatan ay laging nililitis. Sinusubukan ito kapag gumagawa tayo ng mga report, naghahain ng income tax returns, at nagdedeklara tayo ng pag-ibig sa isang sinisinta. Sapagkat nakahabi ang Diyos sa ating buhay, lalo dapat tayong magtaglay ng katapatang hindi kinukuwestiyon.