Dadaan sa mga isla ng Luzon, Visayas at Mindanao ang LBC Ronda Pilipinas 2015, ang pinakamalaking cycling race sa bansa, sa pagsikad nito simula Pebrero 8 hanggang 27 sa susunod na taon na uumpisahan sa Butuan City sa Silangan bago dumaan sa Visayas bago tuluyang magtapos sa mountain top ng Baguio sa Norte.
Nasa ikalima nitong edisyon, ang nationwide na bicycle road race para sa kalalakihan na itinataguyod ng LBC ay may tatlong yugto, una ay ang apat na stage na Mindanao leg at ang apat na stage na Visayas leg na nagsisilbing qualifying sa local riders para naman sa anim na yugto na Luzon leg kung saan ang pinakamagagaling na lokal na koponan ay makikipagsagupa sa pinakamalakas na grupo ng mga dayuhang kalahok.
Inihayag ni Ronda Pilipinas Executive Project Director Moe Chulani na maliban sa bago nitong format, ang edisyon ngayong taon ay nakatuon sa pagdidiskubre, pagrekruta at pagdebelop sa mga batang rider sa asam nitong umusad para makakuha ng certification mula sa Union Cycliste International (UCI) bilang parte ng global racing calendar.
“This year, we’re requiring teams to recruit young riders because LBC and Ronda Pilipinas are one in helping the country’s grassroots development program because we know there are many untapped talents out there,” sab ni Chulani. “Also, we’re looking to the future wherein Ronda Pilipinas will be a UCI-sanctioned race,” sabi pa nito.
Ang mga koponan ngayong taon ay papayagan na magsama ng tatlong opisyal at anim na siklista, na bubuuin ng isang junior rider na nasa edad 17 hanggang 18 anyos at minimum na dalawa na kabilang sa Under-23 bracket at tatlo na nasa edad 23-anyos pataas.
Ang karera, na itinataguyod ng LBC at major partner na MVP Sports Foundation at sanctioned ng PhilCycling sa pamumuno ni Tagaytay Congressman Abraham “Bambol” Tolentino, ay tatahak naman sa kabuuang distansiya na 2,152 kilometers na 572 kms sa Mindanao, 670 kms sa Visayas at 910 kms sa Luzon.
Kabuuang 10 lokal na koponan ang magsasagupa sa Mindanao simula Peb. 8-11 na una ay ang 195 km Butuan City-Cagayan de Oro City Stage 1, sunod ang 132 km Malaybalay City-Manolo Fortich, Bukidnon Stage 2, ang 87 km Cagayan de Oro City-Iligan City Stage 3 at ang 159 km Tubod, Lanao del Norte-Dipolog City Stage 4.
Susundan ito ng 370 kataong entourage na lilipat sa Visayas leg sa mismong Negros Island para sa Peb. 15-18 na tatahak sa 173 km Dumaguete City-Sipalay City Stage 1, ang 164 km Sipalay City-Bacolod City Stage 2, ang 213 km Bacolod-Bacolod Stage 3 na dadaan sa La Carlota, Canlaon at San Carlos at ang panghuling 120 km Bacolod- Cadiz City-Bacolod Stage 4.
Uusad naman ang mangungunang lokal na koponan sa mga nasabing yugto patungo sa international na perte ng karera kung saan sasagupain nito hindi lamang ang kanilang mga sarili kundi ang mga dayuhang koponan sa anim na araw na inaasahang mahihitik sa aksiyon na karera.
Sisimulan ang matira-matibay na anim na araw na labanan sa Pebrero 22 hanggang 27 na tatahakin ang 137 km Sta. Rosa City-Lucena City Stage 1, ang 171 km Lucena,Quezon-Antipolo City via Mauban at Caliraya Stage 2, ang 205 km Bocaue, Bulacan-Tarlac City Stage 3, ang 152 km Tarlac-Dagupan City Stage 4 via Rosales, Paniqui at Camiling, ang 155 km Dagupan City-Baguio City Stage 5 via Manaoag, Binalonan, Bauang at Naguilian at ang panghuli na pinakamahirap ang yugto na 90 km Baguio City criterium.
Ipinaliwanag naman ni Jack Yabut, na Ronda race administration director, na tanging ang mauunang 10 lokal na koponan na magpapadala ng kanilang interes at magbabayad ng entry fee ang bibigyang prayoridad.
“It will be on a first come, first served basis,” sabi ni Yabut.