Ni AARON RECUENCO
TACLOBAN CITY - Aabot sa 2,000 survivor ng super typhoon ‘Yolanda’, na hindi lamang nawalan ng bahay ngunit maging ng mga mahal sa buhay, ang paaalisin mula sa kanilang mga bunkhouse na itinayo sa isang pribadong lupain sa siyudad na ito.
Sinabi ni Joveniano Macabasag, kagawad ng Barangay 31, na pinadalhan na sila ng notice ng International Pharmaceutical, Inc. (IPI) na hanggang Disyembre 31, 2014 na lang sila maaaring manatili sa Caibaan bunkhouse area.
“Ito ay nagdulot ng takot at kalituhan sa mga residente dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin malinaw kung saan kami ililipat,” pahayag ni Macabasag sa panayam.
Ang Caibaan bunkhouse area ang nagsilbing pansamantalang tahanan para sa 530 pamilya na binubuo ng 2,273 katao mula sa Barangays 88, 31 at 35 na kabilang sa mga sinalanta ng bagyong Yolanda noong Nobyembre 8 ng nakaraang taon.
Inihayag ni Macabasag na isang abogado ng IPI ang bumisita na sa lugar noong nakaraang linggo upang ipaalam ang planong pagpapatayo ng bodega sa naturang lupain.
Ayon kay Macabasag, ito na ang ikalawang pagkakataon na inabisuhan silang lisanin ang lugar. Ang una ay noong Hunyo subalit pinayagan silang manatili sa lugar hanggang Disyembre 31.
Itinayo ang isang malaking billboard sa main gate ng bunkhouse area na roon nakapaskil sa isang malaking tarpaulin ang notice of eviction.
“This is a private property under the name of International Pharmaceutical, Inc. (IPI) and covered by TCT No. 8417 and 8411. For humanitarian consideration and to help the City of Tacloban, IPI has agreed to allow its property to be used as a temporary shelter site for the survivors of Typhoon Yolanda until December 31, 2014,” saad sa abiso.