Ni AARON RECUENCO
TACLOBAN CITY— Simula pa ng kanyang kabataan, ilang ulit nang nakaririnig ang ngayo’y 46 anyos na si Arlene Ortega ng mga nakakikilabot na istorya sa multo at halimaw.
Dati na siyang takot sa mga kuwento ng mga tiyanak at kapre na posibleng lumitaw sa kanyang likuran tuwing sasapit ang dilim sa panahon ng Undas.
Subalit, aniya, mas may nakatatakot pa sa mga kuwento ng halimaw at multo na kanyang kinalakihan.
“Walang makapapantay sa takot na dinanas namin nang naging ‘horror city’ ang Tacloban matapos ang hagupit ni ‘Yolanda,’” ayon kay Ortega.
Sariwa pa rin sa alaala ni Arlene ang malakas na bugso ng hangin na dulot ng super typhoon “Yolanda” na animo’y libu-libong aso na sabay-sabay tumatahol.
Nasaksihan din niya kung paano natuklap ang mga bubong at nagiba ang mga bahay sa hagupit ng bagyo.
Hanggang sa ngayon, binabangungot pa rin si Arlene ni “Yolanda.”
Sa tuwing umaatungal ang mga aso, nangangamba ang mga residente na mayroong mamamatay uli.
Hindi naman malilimutan ni Margie Cruz, isa ring residente ng Tacloban, ang mga bangkay na nagkalat sa siyudad matapos ang super typhoon.
Ngayong Undas, may ilang establisimiyento na nagsabit pa rin ng imahe ng mga halimaw at multo. Subalit, ayon pa kay Cruz, hindi na nila kinatatakutan ang mga ito.
Aniya, hindi matutumbasan ang takot ng malakas na hangin at matinding ulan na sa tuwing nararanasan nila ay tila bumabalik sa Tacloban City si “Yolanda.”