Ni JONAS REYES
OLONGAPO CITY – Hindi napigilan ni Marc Sueselbeck ang lumuha nang bisitahin marahil sa huling pagkakataon sa puntod ni Jeffrey “Jennifer” Laude sa Olongapo Heritage Garden noong Biyernes.
Si Sueselbeck, isang German, ay inilagay sa blacklist ng Bureau of Immigration (BI), matapos ito puwersahang pumasok sa isang restricted area sa Camp Aguinaldo, Quezon City kung saan inilagay sa kustodiya ang itinuturong pumatay kay Jennifer na si US Marine Pfc. Scott Pemberton.
Si Sueselbeck ay nakatakdang bumalik sa Germany matapos itong pumayag sa voluntary deportation bunsod ng insidente.
“We met online on April of 2012, she was full of life, she was a pure person. We talked about politics, life, religion and she showed how smart she was,” Sueselbeck recounts.
Nagkakilala ang dalawa sa Pilipinas noong Nobyembre 2 at matapos ang dalawang taon, nagkasundo ang mga ito magpakasal bagamat hindi na ito nagkatotoo matapos ang pamamaslang kay Jennifer.
Sa panayam ng media, naninindigan si Sueselbeck na habambuhay niyang sasariwain ang masasayang sandali nila ni Jennifer.
Kasama ni Sueselbeck ang kapatid ni Jennifer na si Michelle nang bisitahin ang puntod ng biktima.