Umaasa si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Richie Garcia na maisasabuhay ang kultura ng isports sa bawat pamilyang Pilipino sa isinusulong na family oriented at community based ng PSC Laro’t-Saya, PLAY ‘N LEARN na inendorso ng Malakanyang.
“I believe that sports should start in every family,” sinabi ni Garcia ukol sa programa na isinasagawa tuwing Sabado at Linggo sa mga parke at paboritong pasyalan ng pamilya.
“Hindi lamang nagkakaroon ng bonding ang bawat miyembro ng pamilya kapag nasa sports kundi natututo din sila na magdepende sa kanilang mga sarili,” giit pa nito.
Ang programa na pinamamahalaan ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr., bilang project director, at PSC Planning and Research chief Dr. Lauro Domingo Jr., bilang project manager, ay isinasagawa na ngayon sa walong aktibong siyudad nang simulan ito noong Pebrero 2013.
Unang inilunsad ang programa na nakatuon sa pagbibigay ng pisikal na pangangalaga sa pangangatawan ng bawat Pilipino at pagtuturo ng iba’t ibang sports sa kabataan para mailayo sa masasamang bisyo ay sa Burnham Green sa Luneta Park kaalinsabay sa anibersaryo ng Civil Service Commission (CSC).
Sinundan ito ng paghataw sa Quezon City Memorial Circle sa harap mismo ng Quezon City Hall bago ginanap sa Aguinaldo Freedom Park sa Kawit, Cavite.
Halos sabay-sabay naman itong inilunsad ngayong taon sa bagong gawang parke sa Bacolod City, Davao City, Cebu City, Iloilo City at noong nakaraang linggo sa Parañaque City.
Nakatakda ring umarangkada ang programa sa dinarayong Burnham Park sa Baguio City at maging sa Tagum, Davao Del Norte ngayong buwan at maging ang kandidato sa buong mundo sa “New Seven Wonders of the World” na Vigan City.
Kinumpirma mismo ni Domingo Jr. ang pagsang-ayon nina Vigan City Mayor Eva Marie Singson Medina para sa Ilocos Sur, Tagum City Congressman Antonio Del Rosario Jr. sa Davao Del Norte at maging si Baguio City Mayor Mauricio Domogan para sa Cordillera Autonomous Region (CAR).
Samantala, umabot sa kabuuang 294 katao ang nagpartisipa para sa espesyal na edisyon ng PSC Laro’t-Saya sa Quezon City kaalinsabay sa selebrasyon ng Undas kung saan ang mga lumahok sa zumba ay umabot sa 235, arnis (8), badminton (15), football (6), karatedo (13) at volleyball (17 ).