Tiniyak ng Malacañang na patuloy na sinusubaybayan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang mga kaganapan ngayong Undas upang matiyak ang kaligtasan ng mga biyahero na inaasahang babalik ngayon mula sa iba’t ibang lalawigan matapos gunitain ang Araw ng mga Kaluluwa.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na inatasan ni Aquino ang iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na manatiling nakaalerto ngayong weekend na dagsa ang mamamayan sa mga sementeryo.
“Patuloy kaming magbabantay, patuloy na nakaalerto ang mga ahensiya ng pamahalaan para siguraduhing magiging maayos at mapayapa ang pagbalik natin mula sa ating mga kani-kanyang probinsiya,” aniya.
“Patuloy siyang (Pangulong Aquino) makatatanggap ng update upang masiguro ang kaligtasan ng mga biyahero,” dagdag ni Valte.
Matatandaang personal na ininspeksiyon ni PNoy ang iba’t ibang transport terminal noong Biyernes, kabilang ang North Port Passenger Terminal Complex sa Manila North Harbor; at Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, JAC Liner Buendia Terminal sa DLTB Nirvana, at LRT-Buendia terminal sa Pasay City.