Ni CAMCER ORDOÑEZ IMAM

CAGAYAN DE ORO CITY – Apat na taon na ang nakalipas matapos na salantain ng bagyong ‘Sendong’ ang Cagayan de Oro City at Iligan City, na naapektuhan ang libu-libong katao at napakaraming ari-arian, karamihan sa mga nakaligtas sa bagyo ay hirap pa ring tanggapin ang kinasapitan ng kanilang mga mahal sa buhay na nasawi o hanggang ngayon ay nawawala matapos tangayin ng nagpuputik na baha kasunod ng pag-apaw ng Cagayan de Oro River.

Tatlong katao ang nagkuwento kung paano nila ipagdiriwang ang Undas ngayong taon kasama ang iba pang nakaligtas sa hagupit ng Sendong.

Nakikipisan si Ferdinand Feliciano, 39, sa kanyang pamilya sa Barangay 13 bago manalasa ang bagyo.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Bunsod sa 10 magkakapatid, nakatira na siya ngayon, kasama ang iba pang miyembro ng pamilya na nakaligtas sa kalamidad, sa Calaanan Relocation Site.

Nagtatrabaho sa isang bar, wala si Feliciano sa bahay nang manalasa ang Sendong noong Disyembre 2011. Ang ina niyang si Menita, 76, ay kasama ng pamangkin nitong babae nang hindi na magawang makalabas ng bahay matapos rumagasa ang baha.

Kalaunan, natagpuan ang bangkay ng matanda at inilibing sa Bolonsiri Cemetery sa lungsod na ito—na taun-taong binibisita ng pamilya Feliciano.

Labing-anim na taon naman at pang-apat sa limang magkakapatid si Rica Shalana Cole. Nakatira sila sa Isla de Oro, ang pinakamatinding sinalanta ng Sendong.

Dalawang buwan pa lang na nakatira sa lugar ang pamilya Cole nang manalasa ang bagyo.

Hawak ni Rica ang bunsong kapatid nang rumagasa ang baha. Nang nahirapang lumangoy ay iniabot niya ang kapatid sa kanilang ama, pero nabitiwan ito at nalunod.

Sinabi ni Rica na may mga pagkakataong siya ang sinisisi ng mga magulang sa pagkamatay ng kanyang kapatid—na hindi nila binibisita sa sementeryo bagamat dumadalo ang pamilya Cole sa mga memorial ceremony para sa mga nasawi sa Sendong.

Sa ngayon, nilisan na ni Rica ang sariling pamilya at napakupkop siya ngayon sa isang mag-asawang empleyado ng D epartment of Social Welfare and Development (DSWD).

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin natatagpuan ang dalawang kapatid na babae ni Reden Inte, 21, estudyante ng Mindanao University of Science and Technology.

Panganay sa tatlong magkakapatid, hanggang ngayon ay umaasa pa rin ang pamilya Inte na isang araw ay biglang uuwi sa kanilang bahay ang mga kapatid niyang sina Gloribel, 10; at Aimee, 2.

Sa katunayan, patuloy pa rin ang kanyang pamilya sa pamumudmod ng mga flyers na may litrato at pangalan ng magkapatid, at sa sala ng kanilang bahay ay matatagpuan ang tarpaulin ng pagbati sa kaarawan nina Gloribel at Aimee—simbolo ng buhay na pag-asa na hindi kabilang ang magkapatid sa mahigit 1,000 nasawi sa bagyo.