Isang madaling araw, nabulabog ang masarap na paghihilik naming mag-asawa sa paghingi ng saklolo ng isa kong kapitbahay. Inatake kasi sa puso ang kanyang mister kaya kandidilat kami. Agad na sumaklolo ang aking guwapitong esposo sapagkat mayroon siyang jeep at dinala sa ospital ang inatake. Nagbalik ang aking esposo at ibinalita niya na nailigtas ng mga doktor ang lalaki. “Traydor talaga ang puso,” sabi ng aking esposo, “hindi mo alam kung kailan ka aatakihin gayong inaalagaan mo naman ang iyong kalusugan.”
Dito ko napag-isip-isip ang sarili kong puso. Ilang taon na lang 60 anyos na ako at ayon na rin sa doktor na sumuri sa akin, maaaring maging kandidata ako sa atake de corazon kung hindi ko babawasan ang aking kinakain.
Sa puntong ito, may isa pang bahagi ng katawan na tinatawag na “espirituwal na puso”. Tumitibok din ito, naglalaman ng napakaraming pananaw sa buhay, pagmamahal, at mga pagpipilian. Kaya nga kapag nagbago ka ng gusto mo, may nagtatanong sa iyo, “Why the sudden change of heart?” Sa ating puso, nalalaman natin kung paano tayo magsasalita, kikilos, at tutugon sa mga situwasyon. Aasa ba tayo sa Diyos at pipiliin nating maging mapagbigay, mapagtimpi, at mapagmahal? O mas kakatigan ba natin ang pagmamalaki, kapalaluan, katakawan at kapighatian?
Tulad ng aktuwal na puso, mahalaga rin na inaalagaan natin ang ating espirituwal na puso. Tinitiyak ba nating malusog ito?
- Timbang - Kailangan ba nating magbawas ng bigat ng ating mga alalahanin, ng sama ng loob, at ng pagdududa?
- Pulso - Pinanatili ba nating tumitibok ang ating pasasalamat at papuri sa Diyos at sa ating kapwa?
- Presyon - Mas malaki ba ang pagtitiwala natin sa Diyos kaysa ating pag-aalala?
- Diet – Lagi ka bang busog sa Salita ng Diyos?