Binalaan ni Senador Aquilino “Koko” Pimentel III ang Department of Transportation and Communications (DOTC) at Manila International Airport Authority (MIAA) laban sa pagpapatupad ng pagsasama ng terminal fees sa airplane ticket dahil labag ito sa umiiral na batas na nag-e-exempt sa overseas Filipino workers (OFWs) sa pagbabayad nito.

Dapat na ipinatupad kahapon ang kautusang nagsasama sa P550 terminal fee sa airline ticket ngunit nag-utos ng temporary restraining order ang Pasay City Regional Trial Court dahil labag ito sa Migrant Workers Act na may exemption ang OFWs sa pagbabayad ng travel tax documentary stamp at airport terminal fee.

“Gusto nilang labagin ang umiiral na batas na nag-e-exempt sa OFWs sa pagbabayad ng terminal fees. Para saan? Ang pag-aalis ng terminal fees counters ay hindi solusyon sa mahabang pila sa airport dahil lilikha ka ng panibagong pila para sa mga bayani ng makabagong panahon upang ma-refund lamang ang P550 na ilegal na kinolekta sa kanila,” ani Pimentel. “Hindi dapat ipatupad ang sistemang ito na lihis sa lohika, may kuwestiyong legal at masyadong hindi patas sa ating OFWs.”

Kinatigan ni Pimentel ang posisyon ni Department of Labor Secretary Rosalinda Baldoz na dapat awtomatikong exempted ang lahat ng OFWs sa terminal fees kahit sa mga plane ticket na binili sa abroad o via online bilang pagtalima sa batas na 19 taon nang umiiral sa bansa.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

“Hindi wastong nagbabanggaan ang DOLE at DOTC dahil lamang sa koleksiyon ng terminal fees ng airline companies,” dagdag ni Pimentel. “Lalong hindi tama na pahihirapan natin ang OFWs sa kaunting benepisyong tinatamasa nila mula pa noong 1995 sa katwirang aalisin ang siksikan sa airport kahit may lalabaging umiiral na batas.”

Magsasampa si Pimentel ng resolusyon sa Senado upang imbestigahan ang Memorandum Circular No. 08 na aalisin ang mga terminal fee counters sa paliparan.