DISAPPOINTED pala ang kilalang direktor sa isang pelikula na ipinalabas dahil marami ang binago na wala sa script.
“Nasira ‘yung gist ng pelikula kasi wala naman sa script ‘yung ibang eksena, nagulat kami nang mapanood namin ang final, hindi kasi ganu’n ‘yun. Mahirap talaga kapag may nakialam. Wala naman kaming magagawa kasi utos ng producer,” kuwento ng source namin.
Napanood namin ang naturang pelikula, kaya naintindihan namin ang pagkadismaya ng kilalang direktor at ng mga kaibigan niya. Kaya pala sobrang dragging ang movie at lumaylay ang istorya dahil may mga ipinadagdag na eksena.
Katunayan, pati mga katabi namin habang nanonood ay nagsabi ng, “Ano ba ‘yan? Sa’n na papunta ang istorya? Bagal, OA na.”
Akala ba namin ay ang direktor ang captain of the ship sa lahat ng pelikula, hindi na pala, tagasunod lang siya sa gusto ng producer.
Pero hirit ng isang kilalang writer na kaumpukan namin, “Hindi, lahat ng direktor napapasunod ng producer, lalo na ‘yung matataray at may awards na. Dapat nagmamatigas ang direktor, ‘wag niyang hayaang diktahan siya ng producer.”
Susme! E, paano kung topakin ang producer at palitan ang direktor, e, di talo pa rin ang huli. Siguro nga, kailangan award-winning na ang direktor para hindi basta nasisindak.
Sayang ang pelikula, maganda pa naman ang concept.