Magsasagawa ng maliliit ngunit regular na serye ng karera si Roadbike Philippines founder Engr. Bong Sual upang makadiskubre ng mahuhusay na road cyclists na posibleng maging miyembro ng pambansang koponan at maging sa Continental Team.
Ito ang sinabi ni Sual sa programang Cycle Lane sa DZSR Sports Radio hinggil sa kanyang malalim na objective kung saan ioorganisa niya ang unang serye ng karera sa Nobyembre 9 sa Sual, Pangasinan.
Ipinaliwanag ni Sual na habang ang Ronda Pilipinas ang natatanging pinakamalaking regular na karera sa bansa, kung saan ay nagtatagisan ang mga mahuhusay na siklista, hangad naman niyang mapalakas ang maliliit ngunit regular na karera na mag-iinganyo sa mga siklista at hasain ang kanilang abilidad.
“We are determined to discover and develop more riders especially those from different provinces who have been aching for more races,” pahayag ni Sual.
“Hindi naman kasi sila makasali sa malalaking torneo kaya may pagkakataon sila ngayon na makaranas ng de-kalidad na karera na kahit maliliit lang pero maraming beses naman,” giit ni Sual.
Umaasa rin ang founder at top official ng 7-11 Roadbike Philippines Continental team na makahanap ng dagdag na talento para sa kanyang koponan sa hangad na makabuo ng isa pang Continental squad.
Asam din ni Sual na magkaroon ng pagkakataon ang mga posibleng Espeñasponsors na nagnanais magtayo ng kanilang koponan sa pagkuha sa riders na magpapakitang husay sa mga pocket races at mapagsama tungo sa pagbuo ng bagong cycling clubs.
Inihayag ni Sual na ang karera ay tatahak sa kabuuang 130-kilometro na isang Massed Start na dadaan sa mga lugar ng Sual, Pangasinan sa Nobyembre 9 na susundan ng isang Criterium Race sa Manila sa Disyembre.
Nakatakda rin lumahok ang miyembro ng 7-11 Roadbike Philippines sa mga karera kung saan hangad ng koponan na mahasa ang kanilang istratehiya at taktika para sa tamang implementasyon sa kanilang paglahok sa mga UCI sanctioned race sa labas ng bansa.