PHILADELPHIA (AP) – LeWho?
Sa pagkawala ni LeBron James, ang kanilang dating MVP, upang pangunahan ang kanilang championship charge, tuloy-tuloy lang si Chris Bosh at ang Miami Heat.
Nagtala si Bosh ng 30 puntos at walong rebounds, habang umiskor si Mario Chalmers ng 20 mula sa bench upang pangunahan ang Miami Heat kontra Philadelphia 76ers, 114-96, kahapon.
Si Dwyane Wade ay nagtapos naman na may siyam na puntos at 10 assists upang tulungan ang Heat na makuha ang ikalawang panalo sa kasingraming laro.
‘’Everyone is getting opportunities, which is a little different than we’ve had,’’ saad ni Wade.
Naglista naman si Tony Wroten ng 21 puntos at 10 assists para sa Sixers, habang nagtapos si Brandon Davies na may 18 puntos para sa wala pa ring panalong Sixers.
Ang Sixers ay mayroon nang rekord na 0-3, panalo-talo, at maaari pang madagdagan ang kanilang winless treak sa kanilang tatlo pang home games ngayong linggo.
Sinubukan ng Sixers na manatiling nakadikit sa Eastern Conference champions at naghahabol lamang sa 87-83 sa pagtatapos ng ikatlong yugto.
Ngunit sadyang malakas ang offensive power ng Heat sa loob at labas (12-of-24 3s), at hindi ito nakayanan ng Sixers.
‘’Forty-eight minutes is a very long game for the group we have,’’ pahayag ni Sixers coach Brett Brown bago ang laro. ‘’From an experience and resume perspective, navigating through 48 minutes of an NBA game is really difficult.’’
Naipasok ni Chalmers ang isang pares ng malalaking tress sa fourth period upang tulungan ang Heat na makalayo, kabilang ang isa sa huling 3:20 na naglagay sa bilang sa 108- 92 na nagdala sa mga manonood sa exits.
‘’When you add new faces to a team, guys are trying to find their own way and find where they can be comfortable in the offense,’’ ani coach Erik Spoelstra.
Pansamantalang binigyan ng 76ers ang fans ng sulyap sa animo’y isang upset nang maitabla nila ang laban ng tatlong beses sa third quarter at lumamang sa 82-80 sa driving layup ni Wroten, may 3:24 natitira sa quarter.
Ang Sixers ay nagkamit ng 24 turnovers at nagkasya lamang sa 30 porsiyento mula sa 3-point range.
Si Nerlens Noel, ang No. 6 overall pick ng 2013 draft, ay nakita sa kanyang home debut para sa Sixers. Hindi siya nakapaglaro noong nakaraang season dahil sa napunit na anterior cruciate ligament sa kaliwang tuhod sa Kentucky. Nakaiskor siya ng dalawang puntos.
‘’I’ve got to make sure my body can get used to it,’’ sabi niya. ‘’I think it’s just a matter of time.’’