PITONG taon na ang Born To Be Wild,’ ang una at natatanging nature and wildlife series sa Philippine television.
Ang Born To Be Wild team, na pinangungunahan nina Doc Ferds Recio at Doc Nielsen Donato, ay nakalibot na sa buong Pilipinas at sa ilang bansa sa Asya para mailapit ang mga manonood sa maiilap na hayop.
Bilang bahagi ng ikapitong anibersaryo ng program, pupuntahan naman nila Doc Ferds at Doc Nielsen ang Central Europe at South Africa.
Bagamat dalawang dekada nang veterinarian si Doc Nielsen, excited pa rin siyang makita nang malapitan ang mga hayop sa nasabing lugar. Matutupad na rin ang pangarap niya na makita ang Big Five ng South Africa, at ang majestic marine mammals tulad ng Southern Right Whale. Dapat ding abangan sa special episode na ito ang close encounter ni Doc Nielsen sa Great White Shark.
Lilibutin naman ni Doc Ferds Recio ang mga kalye sa Europa at kung paanong sumasabay ang mga lungsod sa pagbabago ng kapaligiran. Samahan si Doc Ferds sa kanyang pagpunta sa Venice, ang siyudad na pinalilibutan ng mga kanal. Sa ganda ng nasabing lugar, kailangang makiayon ang siyudad sa kalikasan upang maiwasan ang ilang problema tulad ng pagbaha.
Samahan sina Doc Ferds at Doc Nielsen sa kanilang pagtuklas sa wildlife ng South Africa at sa paggalugad sa ganda ng kalikasan mula sa kasaysayan ng Europa sa month-long 7th anniversary special ng Born To Be Wild simula ngayong Linggo, Nobyembre 2, pagkatapos ng Aha sa GMA-7.