ILOILO – Mariing nagbabala ang mga lokal na opisyal sa mga residente sa nakikilala nang tourist destination na Islas Gigantes sa Carles town, Iloilo laban sa panganib ng lason na dulot ng red tide.

“Dapat makinig sila sa warning,” sabi ni Iloilo Governor Arthur Defensor Sr.

Ito ay kasunod ng natuklasan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na hindi naniniwala sa banta ng red tide ang mga residente sa apat na barangay sa Islas Gigantes

Nakumpirma ng BFAR na patuloy na naghahango, nagbebenta at kumakain ng iba’t ibang shellfish ang mga residente sa kabila ng pagdedeklara ng red tide poison alert simula nitong Oktubre 20.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

“Huwag na nilang hintayin na magkasakit sila bago sila maniwalang totoong nakakalason ang red tide,” diin ni Defensor.

Matatandaang natukoy sa pagsusuri ng BFAR na lumampas na sa normal level ang paralytic shellfish poisoning (PSP) toxin levels sa ilang sample ng shellfish na hinango mula sa bahagi ng Islas Gigantes sa Visayan Sea.

Ipinag-utos na nina Defensor at Carles Mayor Arnold Betita sa mga barangay chairman sa Asluman at Granada sa Isla Gigantes Norte, gayundin sa mga barangay ng Gabi at Lantangan sa Isla Gigantes Sur na bigyang-diin sa mga residente ang banta ng red tide.

Gayunman, sinabi ni Defensor na hindi naniniwala ang mga komunidad ng pangisdaan sa Gigantes sa banta ng red tide dahil sa nakalipas na mga taon ay hindi pa nakapagtala ng nasabing alerto sa lugar.

Ang pagbebenta ng mga shellfish ang isa sa mga pangunahing pinagkakakitaan ng mga residente na patuloy na nagsisikap bumangon at makapagsimulang muli pagkatapos ng bagyong ‘Yolanda’. - Tara Yap