Sinimulan na ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) ang pagdinig sa kaso ng pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos makalipas ang halos isa at kalahating taon ng pagkakaantala.
Sa panig ng prosekusyon, unang sumalang sa witness stand ang ina ng biktima na si Edita Burgos sa sala ni Judge Alfonso Ruiz II ng QC-RTC Branch 216.
Nabatid na direktang itinuro ni Mrs Burgos si Major Harry Baliaga Jr. ng Philippine Army na umano’y utak sa pagkawala ng kanyang anak noong Abril 28, 2007.
Ayon kay Burgos, milyong piso ang ginastos niya at ng kanyang pamilya at maging ang kanyang retirement fee ay naubos na para lamang makita ang kanyang anak.
Patuloy na itinatanggi ni Baliaga ang paratang sa kanya ng ginang.
Sa kabila nito, sinabi ni Baliaga na ang pagsasampa sa kanya ng kaso dito ay nagdulot ng pagkawalay niya sa kanyang pamilya at mga magulang at dumaranas siya ng emotional stress sa nangyari.
Patuloy na nakalalaya si Baliaga matapos magpiyansa.