Ni HANNAH L.TORREGOZA
Nagpahayag kahapon ng suporta si Senator Francis Escudero sa panawagang maglunsad ang Senate Blue Ribbon Committee ng hiwalay na imbestigasyon sa umano’y overpriced na Iloilo Convention Center (ICC).
Sinabi ni Escudero na dapat na ang komiteng pinamumunuan ni Sen. Teofisto Guingona III ay maging masigasig sa pagsisiyasat sa umano’y overpriced na ICC, gaya ng pag-iimbestiga nito sa kontrobersiyal na Makati City Hall Building 2.
Ayon sa senador, dapat na tumalima ang komite sa hamon ni Sen. Jose “Jinggoy” Estrada at imbestigahan ang umano’y mga anomalya sa pagpapagawa sa nasabing gusali.
Matatandaang nanawagan si Estrada kay Guingona na imbestigahan “motu propio” ang kontrobersiya sa ICC, alinsunod sa Senate rules.
Sinabi ni Escudero na ang pag-iimbestiga sa umano’y overpricing sa ICC ay magpapatunay sa publiko na patas at non-partisan ang Senado, lalo at ang inaakusahan sa bagong anomalya ay si Senate President Franklin Drilon, na kaalyado ng administrasyong Aquino.
“Dapat dinggin din at dapat kasing-sigasig din. Agree ako dun,” sinabi ni Escudero sa panayam ng DWIZ.
Aniya, kahit na sinong miyembro ng minorya sa Senado ay maaaring maghain ng resolusyon para imbestigahan ang umano’y maanomalyang pagpapagawa sa ICC, na ayon kay Drilon ay alinsunod sa international standards at gagamitin sa APEC ministerial meetings sa 2015.
Nahaharap si Drilon sa mga kasong plunder at graft sa Office of the Ombudsman, kasama ang siyam na iba pang personalidad na iniuugnay sa pagpapatayo ng ICC.
Sa ngayon, iniimbestigahan ng Senate Blue Ribbon sub-committee ang umano’y overpriced na Makati City Hall Building 2 at ang pagkakasangkot umano ni Vice President Jejomar Binay sa maanomalyang bidding ng gusali. Nagbunsod na rin ito ng imbestigasyon sa iba pang ari-arian ni Binay.
Sinabi ni Escudero na dahil kapatid naman ni Sen. JV Ejercito ang nagpanukala, maaaring ang una ang maghain ng resolusyon para sa imbestigasyon ng ICC, o kahit mismong si Sen. Nancy Binay na anak ng Bise Presidente.
Iminungkahi rin ng senador na maaari rin na maglunsad ng sarili nilang imbestigasyon sa ICC ang mga miyembro ng Kongreso.
Matatandaang naghain na ng resolusyon si Sen. Miriam Defensor-Santiago para hilinging imbestigahan ng Senado ang pagkakasangkot ng Hilmarcs Construction Corp. sa pagpapagawa sa ICC.
Ang Hilmarcs din ang contractor ng Makati parking building at kinomisyon din umano ng mga Binay para sa 350-ektaryang farm ng mga ito sa Rosario, Batangas.