BUKAS, November 2, eksaktong isang buwan na simula nang sumakabilang-buhay ang komedyanteng si Tia Pusit (Myrna Villanueva sa tunay na buhay).
Pumanaw ang nakababatang kapatid ng seasoned comedienne at bida ng 1st Ko Si 3rd na si Nova Villa last October 2, 11:30 ng gabi sa Philippine Heart Center, dahil sa brain hemorrhage, kidney failure at aortic aneurysm.
Tanggap na ng 67-year old comedienne ang nangyari sa kapatid at unti-unti na rin siyang nakapagmove-on sa nangyari. Maging ang mga naulilang anak ni Tia Pusit, utay-utay na ring tinanggap ang nangyari sa kanilang ina.
Sa kuwentuhan namin ni Nova, sinariwa niya ang mga natitirang oras na nasa loob siya ng hospital, nagbabantay at nagmamasid kay Tia Pusit.
“Naaawa ako, nakikita ko ‘yung tuyung-tuyo ‘yung kanyang lalamunan at tila ba gutom na gutom. ‘Tapos may nerbiyos siya habang ipinapasok si Meng (tawag kay Tia Pusit) sa operating room,” kuwento ng komedyante.
“Sabi nu’ng isang anak, si Tingting, ‘Oh, mommy, parang nerbiyos na nerbiyos ka?’ ‘Tapos nagsalita siya, ‘Di ba, patutulugin ako, papano kung hindi na ako magising?’ Totoo nga, hindi na siya nagising,” maluha-luhang kuwento pa sa amin.
“I’m sure, si Tia Pusit, masaya-masayang na siguro siya ngayon. Kung saan man siya, happy na siya sa kinalalagyan niya. Di ba, may mga pakiramdam tayo? Kung minsan kasi, let’s face it, bago pa lang naman siyang nawala, kumbaga, andiyan pa lang, gumagala-gala at dumadalaw sa amin,” lahad ng comedienne.
Minsan daw ay nagpaparamdam pa rin sa kanya ang namayapang kapatid.
“Nangyari ito, ilang days na. Tulog na ako, tulog na kami. Alam ko madaling-araw na ‘yun pero malapit na akong gumising dahil usually, at five in the morning pumupunta ako ng church to hear mass.”
“And then, all of a sudden parang may bumubulong sa akin at sabi, ‘Ate, tabi ako sa iyo.’ Malinaw sa akin ‘yon. May bumubulong sa right ear ko, dito, ganyan.”
“’Tapos nakaramdam ako ng panlalamig. Na para bang hindi ko maintindihan kung gising ako ba ako o nananaginip, half-awake? Hindi ko na alam. Ang ginawa ko, tumabi ako sa asawa ko ‘tapos unti-unti kong hinila ‘yung kumot. At dahil doon, hindi na ako nakatulog,” kuwento niya.
Alam daw ni Nova na nasa maayos na kinalalagyan na ang namayapang kapatid at ang pagpaparamdam ni Tia Pusit sa kanila ay mensahe na masaya na ito sa piling ni Lord.
“’Yun ang nasa utak ko pero sabi ko nga, you know, ang isipin na lang natin is that she’s happy. She’s safe and in good hands. Patuloy pa rin siyang nagku-comedy because in real life, bago siya tuluyang nalagutan ng hininga, she’s a jolly person, mahilig magpatawa,” sabi pa ng beteranang komedyante.