Hindi 100 pahinang “errata” kundi 269 pahina. At hindi ito “typographical errors” kundi malalaking pagbabago na nilalayon ng Department of Budget and Management (DBM) na maisama sa national budget para sa 2015 gayong naaprubahan na ang bill sa pangalawang pagbasa.

Sa umpisa, may pangamba na dinagdagan ng P500 bilyon ang budget ngunit napatunayang mas mababa ang idinagdag – P4.7 bilyon lamang – kung saan ang pinakamalaking halaga na P3.28 bilyon ay laan para sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na idaraos sa bansa sa susunod na taon.

Ang nakaalarma noong una sa kampo ng oposisyon ay ang P423 bilyong nakatalaga sa Department of Interior and Local Government (DILG) na kaduda-duda na parang isang malaking bulto bilang paghahanda ng Liberal Party sa darating na presidential elections. Nilinaw kalaunan na ang DILG budget ay nasa P141.4 bilyon lamang at ang P398 bilyon para sa Local Government Units ay inilista lamang sa ilalim ng DILG dahil pangangasiwaan ang pondo ng departamento. Dahil sa mga bagong dagdag – inilarawan ng DBM bilang “errata” at “typographical errors” – hiniling ng mga kongresista ng minorya na ibalik ang budget bill sa plenary session para talakayin. Ngunit nanaig ang mayorya at noong Miyerkules, inaprubahan ng Kamara ang P2.606 trilyong national budget para sa 2015 sa pangatlo at huling pagbasa.

Ngayon wala nang magagawa pa ang minorya maliban marahil sa magtungo sa Supreme Court (SC) upang kuwestiyunin ang ilang probisyon sa bagong budget, kabilang ang bagong depinisyon para sa “savings” na nagbibigay ng pahintulot sa Pangulo na ideklarang “savings” kahit anong oras – hindi lamang sa pagtatapos ng taon gaya ng mga naunang appropriation bills. Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit idineklara ng SC ang Disbursement Acceleration Program (DAP) bilang unconstitutional.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Malamang na mamatay na lang ang sigalutang ito sa Kamara ngunit kailangang malaman ng mga apektadong opisyal na sa mga kasong ganito kung kaya naging pinaka-hindi katiwa-tiwalang institusyon sa bansa ang pamahalaan ngayon. Sa pagpapahayag na ang karagdagang 269 pahina sa budget items na “typographical errors”, iniinsulto ng DBM at mga leader sa Kamara ang talino ng sambayanang Pilipino. At sa pagwawalang-bahala sa panawagan para sa bukas na deliberasyon hinggil sa karagdagang budget items, pinalalakas lamang ang pangamba at pagdududa ng mala-DAP na pang-aabuso ng pondo ng bayan.