Matapos ang 25 taong pagtataguyod, tuluyan nang magpapaalam ang taunang local at international na Mitsubishi Lancer International Tennis Federation Championships na para sa mga batang tennis players.

Ito ang inihayag ni Philippine Lawn Tennis Association (Philta) secretary general Romeo Magat matapos na tuluyang bumitaw ang pamunuan ng Mitsubishi Lancer na muling itaguyod at paglaanan ng pondo ang dinadayong internasyonal na torneo sa susunod na taon.

“We are now looking for possible sponsor now sa isa sa dalawang international tournament na isinasagawa dito sa atin. Sayang dahil talagang dinadayo na ang tournament at nasa calendar na ng ITF,” sinabi ni Magat.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Huling isinagawa ang ika-25 edisyon ng Mitsubishi Lancer International Junior Tennis Championship (MLIJTC) noong nakalipas na Marso kung saan ay mahigit sa 100 players mula sa 32 bansa ang lumahok sa torneo.

Ipinaliwanag ni Magat na sumulat sa Philta ang pamunuan ng Mitsubishi na pinuputol na nila ang pagtataguyod sa kada taon na torneo sa ilang kadahilanan, partikular ang hindi kaaya-ayang kondisyon ng Rizal Memorial Tennis Center.

“We are working for 10 years now to have the Rizal Memorial Tennis Center to be at international standard but I really don’t know what happen,” paliwanag ni Magat.

Samantala, muling nahalal bilang pangulo ng Philta ang kasalukuyang Mayor ng Parañaque na si Edwin Olivarez habang nanatili ang iba pang opisyal na sina Randy Villanueva, Vice-President; Magat, secretary general at Edna Nguyen bilang treasurer.

Ang iba pang opisyales na kabilang sa Board of Trustees ay sina dating Philta president at ngayon ay Commissioner sa PSC na si Col. Salvador Andrada, Manuel Misa, Dr. Pablo Olivarez, Julito Villanueva at Jean Henri Lhuillier.