Nanawagan si Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga Katoliko na kilalanin at bigyang papuri ngayong All Saints’ Day ang mga banal, sa halip na magdaos ng mga Halloween party.
Kasabay nito, ipinaalala ni Tagle sa mga mamamayan na dapat kilalanin ang mga nabuhay sa kabanalan at ipagdiwang ang araw para sa mga banal sa halip na magsuot ng mga nakatatakot na costumes.
Ipinaliwanag ng Cardinal na ang pagdiriwang ng Halloween ay nag-ugat sa pananampalatayang Katoliko ngunit naging costume party na lang o naging katuwaan nang humakbang ang panahon.
Nilinaw din ng Cardinal na hindi tutol ang Simbahang Katoliko sa pagkakaroon ng Halloween party ngunit dapat pa rin, aniya, na ilagay sa lugar ang pagsasaya at panatilihin ang banal na katangian ng All Saints’ Day celebration.
“Alam po ninyo ang Halloween na iyan ay mayroon ding religious roots. Kaya lang katulad ng maraming religious activities, nahahaluan na ng iba’t ibang element kaya ngayon parang naging costume party na and for fun. Ang Simbahan naman ay hindi tutol sa pagkakaroon ng kaligayahan pero ilagay sa lugar at lalo na huwag sana maaalis ang katangian ng ating celebration,” paliwanag pa ni Tagle sa panayam ng Radio Veritas.
Ikinatuwa naman ni Tagle ang naging pagkilos ng mga pari at mga obispo sa pagsasagawa ng “March of Saints” o ang pagsasaayos ng parada ng mga kabataang nakabihis na mga santo sa halip na nakatatakot na costume.
Layunin, aniya, ng “March of Saints” na muling ibalik ang tunay na diwa ng kabanalan ng mga santo na naging malaking bahagi ng Simbahang Katoliko at buhay ng mga mananampalataya.