Mismong si Manila Mayor Joseph Estrada ang nag-inspeksiyon sa Manila North Cemetery kahapon ng umaga kaugnay ng inaasahang pagdagsa ng may dalawang milyon katao sa sementeryo ngayong Undas.
Kasama ni Estrada na nagtungo sa MNC si Vice Mayor Isko Moreno at nag-alay sila ng mga bulaklak sa puntod ng ilang kilalang personalidad, na gaya ni Fernando Poe Jr. . na kilalang matalik na kaibigan ni Erap, at ilang bayani ng bansa at pulitiko, partikular ng mga dating Pangulo na sina Manuel Roxas, Sergio Osmeña at Ramon Magsaysay.
Kahapon pa lamang, bisperas ng Undas, ay libu-libo na ang bumisita sa MNC at doon na magpapalipas ng gabi ang ilan sa kanila.
Kaugnay nito, muli namang nagpaalala ang pamunuan ng MNC sa publiko na ipinagbabawal ang matutulis na bagay—kutsilyo, gunting at iba pa—sa sementeryo.
Bawal ding magpasok ng mga bagay na magdudulot ng sunog, gaya ng gas, alak, card games, appliances na nagdudulot ng ingay at mga alagang hayop.
Pinayuhan din ng pamunuan ng MNC ang publiko na huwag ikalat ang kanilang mga pinagkainan sa loob ng sementeryo.