Inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nananatiling malaki ang tiwala ng militar sa mga sundalong Moro National Liberation Front (MNLF) integree na kabilang sa tumutulong sa pagtugis sa Abu Sayyaf sa Sulu.
Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Lt. Col. Harold Cabunoc, tiwala silang hindi bibiguin ng mga MNLF integree ang sinumpaang tungkulin ng mga ito matapos tanggapin bilang mga sundalo ng AFP.
Kamakailan lang ipinadala ang tropa ng Philippine Army sa Sulu para tumulong sa mga sundalong Marines sa pagtugis sa mga bandido na may hawak pa rin ngayon sa mga bihag sa bulubunduking bahagi ng lalawigan.
Karamihan sa mga sundalong ipinadala sa Sulu ay mga dating kasapi ng MNLF.
“Meron tayong mga tinatawag na MNLF integree na dating MNLF members at sila ay mga sundalo na ngayon at walang distinction kung dati man silang MNLF o ano man sila dahil sila ay Army na ngayon,” ani Cabunoc.
Kinikilala rin ng AFP ang katapatan ng mga sundalong MNLF sa serbisyong ibinibigay sa mamamayan at nagagamit din ang mga ito sa pagkuha sa mga impormasyon laban sa ASG dahil lubos nilang nakikilala ang miyembro.
“Sila ang nakakakilala sa ilan sa mga Abu Sayyaf at sila ang nakatiwala sa mga impormasyon. Malaki ang tulong nila sa operation na ito at sila ay aming ina-appreciate at kinikilala ang kanilang kagalingan,” dagdag pa ni Cabunoc.
Kung ibabatay sa kasaysayan ng MNLF, nagsimula ang programa sa MNLF integree nang magtagumpay ang 1996 MNLF-GRP Final Peace Agreement na bumuo sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM), na ang unang governor ay si MNLF founding chairman Nur Misuari.