THE PRIEST ● Kung hindi mo rin lang naman kilala ang pari, huwag ka nang magtangkang umupa ng serbisyo ng paring gumagala sa loob ng sementeryo. Hindi ko naman nilalahat ang mga paring gumagala nga sa loob ng mga sementeryo upang magbasbas, magmisa, at kung anu-ano pang serbisyong pang-simbahan na kanila naman talagang tungkulin. Pero dapat nating pakinggan ang babal ang Philippine National Police (PNP) tungkol sa paglipana ng mga pekeng pari sa mga sementeryo ngayong araw. Sa hitsura at kilos, walang pinag-iba ang tunay na pari sa peke; ang kaibahan lang ay naniningil ang pekeng pari. Sa sobrang taas ng singil, malamang na pati patay ay magugulat.

Nilinaw ng PNP officials na ang tunay na pari ay hindi naniningil para sa kanilang serbisyo. Ang bawat pari kasi na papasok sa mga sementeryo upang magbendisyon ay kailangang makipag-ugnayan sa pamunuan ng sementeryo. Ngunit kung makahalata ka na peke ang paring nagbebendisyon, huwag mag-atubiling isumbog sa mga nakatalagang pulis sa sementeryo.

WALA LANG ● Hindi pinayagan ng Sandiganbayan na makalabas ng kulungan si Sen. Jinggoy Estrada upang dalawin man lang ang kanyang mga mahal na yumao. Kasi naman, kung papayagan siya, ganoon na rin ang gagawin pa ng ibang nakahoyo. Kapag umubra kay Juan, dapat ganoon din kay Pedro. Ngunit ang naging dahilan ng hukuman ay ang gastusing kaakibat ng paglalaan ng seguridad para kay Sen. Jinggoy habang nasa labas ng piitan. Kahit limang oras lamang ang hiniling ni Sen. Jinggoy, hindi siya pinayagan. Iba-iba kasi ang pananaw natin sa mga mahal natin sa buhay. May sobrang higpit ng pagkakabigkis ng mga pamilya, ang iba maluwag, ang iba naman wala lang. Doon ka rin naman hahanga sa “wala lang”. May kaibigan ako na nagsabi na hindi na dapat pinupuntahan ang libingan ng isang yumao sapagkat wala na iyon sa libingan. Kung naniniwala ka raw na nasa “mabuting kamay” na ang yumao, walang saysay ang pagpunta sa nagsisiksikan, mainit, mapanganib at masalimuot na mga sementeryo. Para sa akin, iisa lang ang mahalaga sa araw na ito – ang gunitain ang masasayang alaala noong kapiling pa natin sila, saan man tayo naroon sa mga oras ng araw na ito.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho