Kung hindi niya kikilalanin at susundin ang kanyang nilagdaang kontrata sa Tanduay, posibleng sampahan ng kasong “breach of contract” ng kompanyang nagmamay-ari sa PBA D-League ballclub ang manlalaro ng Far Eastern University (FEU) na si Mark Belo.
Ito ang sinabi ni Tanduay Light head coach Lawrence Chongson na siya ring head ng operations ng kanilang basketball team.
“Dalawa kasi ‘yung puwesto ko, as coach puwede kong sabihin na kung ayaw mo sa akin e ‘di ‘wag, pero as head of operations kailangan kong ipaglaban ang interes ng kompanya,” pahayag ni Chongson na ipinakita rin sa mga mamamahayag ang kopya ng kontratan nilagdaan ni Belo na magtatapos pa sa Mayo 31, 2015.
“May kausap na kaming abogado, pero napag-usapan namin na bigyan pa siya ng time to think and reconsider,” ayon pa kay Chongson na nagsabing binigyan na nila ng kopya ng kontrata sina FEU athletic director Mark Molina at assistant coach Richie Ticzon.
Inamin ng dating University of the East (UE) coach na labag din sa kanyang kalooban ang mga pangyayari at kung siya lamang ang masusunod, ayaw niyang umabot pa sa korte ang lahat.
Iginiit naman ng FEU, na isang school-based, na may karapatan silang magsama ng manlalaro sa koponan na kanilang isinali sa kasalukuyang PBA D-League Aspirants Cup na MJM Builders, kasama na rito si Belo.
Kaugnay naman sa nasabing kaso, sinabi ng handler ni Belo na si Edgar Mangahas na siya ring agent ng iba pang kakampi ni Belo na sina Mike Tolomia at Roger Pogoy, posibleng mag-sit out na lamang ang kanyang alaga at hindi maglaro alinman sa FEU at Tanduay.
Ngunit tiniyak nito na kakausapin niya si Belo upang pormal na humarap at makipag-usap kay Chongson para mapag-usapan at maayos ang kasalukuyang problema.
Sinegundahan nito ang naunang pahayag ni Molina na kasalukuyang may iniindang pananakit sa kanyang tuhod si Belo na hinihinalang “bone spur” kung kaya’t hindi rin itong nakapaglaro sa unang laban ng MJM noong Huwebes kontra sa Cagayan Valley.