Pormal nang inaprubahan, sa naganap na PBA board meeting noong nakaraang Huwebes, ang pagkakaroon ng Asian imports sa liga para sa season ending Governor’s Cup.
Dahil dito, hindi kataka-taka kung matunghayan ng PBA fans ang gaya ng Iranian basket superstar na si Mehdi Kamrani o kaya’y ang Korean at Chinese national player na sina Yang Dong Geun, King Jong Kyu, Zhou Peng at Wang Zhelin.
Ang pagkakaroon ng Asian imports sa liga ay personal na ideya ni PBA chairman Patrick Gregorio na inaasahan niyang makatutulong upang mas maging popular ang liga sa buong Asia.
Sa ilalim ng nasabing programa, ang lahat ng 12 koponang kalahok sa liga ay kailangang magkaroon ng Asian import na hindi lalagpas sa 6-foot-3, bukod pa sa kanilang mga regular na imports sa Governor’s Cup.
Ang walong mangungunang koponan sa Commissioner’s Cup ay papayagang magkaroon ng 6-foot-5 na imports, habang ang apat na nasa ilalim ay pwedeng kumuha ng imports na walang height limit.
Ang Asian players ay magiging bahagi ng 16-man pool ng bawat koponan at hindi sila pwedeng tumanggap ng suweldo na lalagpas sa itinakdang $10,000 salary cap.
Kailangan din na lehitimong Asian players ang kukunin at hindi naturalized players, ayon pa kay Gregorio.