Ni AARON B. RECUENCO
TACLOBAN CITY – Isang coastal barangay sa lungsod na ito ang nanganganib na maglaho matapos na ideklarang danger zone ang buong lugar kasunod ng pananalasa ng bagyong ‘Yolanda’ noong Nobyembre 8, 2013.
Kapag natapos na ang rehabilitasyon sa siyudad, ang Barangay 90 sa distrito ng San Jose ay tuluyan nang mawawala sa mapa ng Tacloban City, ayon kay Hermilio Naputo, hepe ng Barangay Affairs dito.
Sa kasalukuyan, may mga nakatira pa sa barangay pero ito, ayon kay Naputo, ay dahil hindi pa naipatatayo ng pamahalaang lungsod ang permanenteng mga bahay na para sa kanila.
“Pero kapag nakumpleto na ang mga bahay para sa kanila, hindi na sila papayagang bumalik sa lugar at hindi na rin puwedeng magtayo ng anumang istruktura doon. Kapag nangyari ito, wala nang Barangay 90,” sinabi ni Naputo sa panayam.
Batay sa record ng pamahalaang lungsod, sinabi ni Naputo na lahat ng bahay sa Bgy. 90 ay nawasak ng napakalakas na hangin at ng storm surge na nanalasa sa Leyte noong nakaraang taon.
Nasa pampang ng distrito ng San Jose at pangingisda ang ikinabubuhay, 54 katao ang nasawi sa Bgy. 90 habang 16 naman ang nawawala.
‘BARANGAY 45’
Sa paghahanap ng makakapanayam, nabatid ng may akda ang pabirong bansag ngayon sa Bgy. 90 na tinatawag nang Barangay 45 dahil kalahati ng dalawang-palapag na barangay hall ang nasira ng bagyo at kalahati ng populasyon ng barangay ang lumipat na sa ibang lugar matapos ang Yolanda.
Mula sa populasyong mahigit 2,000 bago nanalasa ang bagyo, nasa 1,026 na lang ang nananatili sa Bgy. 90, nangakatira sa mga tent, sa mga pansamantalang tuluyan at sa mga bahay nilang bahagya lang na nakumpuni.
MARIING PAGTUTOL
Labis namang tinututulan ng ilang residente ang planong tuluyan nang burahin sa mapa ng Tacloban ang Bgy. 90.
“Dito kami ipinanganak, dito kami lumaki, kaya alam kong ‘di magugustuhan ng mga taga-barangay ‘yang planong ‘yan,” ani Barangay Treasurer Jehan Mae Armada.
“Kapag nangyari ‘yun, hindi lang ang barangay namin ang buburahin nila kundi ang mga alaala ng aming kabataan, kami bilang komunidad at ang pagsasamahan ng mga residente rito. Mawawalan ng sense of history ang mga tao rito,” dagdag ni Armada.
ISA PANG MAGLALAHO
Sinabi naman ni Naputo na bukod sa Bgy. 90, nanganganib ding tuluyan nang maglaho ang Bgy. 70 na idineklara ring danger zone.
Samantala, ilang bahagi rin ng kalapit na Bgy. 89 ang idedeklara ring danger zone. Mahigit 400 ang nasawi sa lugar nang manalasa ang Yolanda dahil karamihan sa mga residente ay tumangging lumikas bago ang bagyo.
Nasa 3,000 ang napaulat na namatay sa Tacloban City pa lamang. May 14,500 pamilya naman ang ililipat sa mga bago at permanente nilang tirahan sa hilagang bahagi ng siyudad.