PINAYUHAN ng Department of Health (DOH) ang publiko na magbaon na lamang ng sariling pagkain sa pagdalaw sa puntod ng mga mahal sa buhay sa sementeryo upang makaiwas sa diarrhea at food poisoning.

Kasabay nito, nagbabala si Acting Health Secretary Janette Loreto-Garin sa publiko laban sa pagbili ng ambulant foods na ibinibenta sa sementeryo.

Ipinaliwanag ni Garin na kaduda-duda ang kaligtasan at sanitasyon ng mga ipinagbibiling pagkain sa mga sementeryo tulad ng mangga, hotdog, juice, barbecue, burgers, manok at iba pa, dahil posibleng nalantad ang mga ito sa alikabok o organismo na maaaring maging sanhi ng sakit.

Ayon kay Garin, mas makatitiyak ang publiko sa kaligtasan ng kanilang kakainin kung sila mismo ang naghanda ng mga ito.

57 kilos ng shabu na isinilid sa Chinese tea bags, nakumpiska sa pantalan sa Southern Leyte

Samantala, umapela naman si Garin sa transport owners na mag-deploy ng mas maraming bus na maghahatid ng mga tao sa mga lalawigan upang makaiwas sa overcrowding at overloading ng mga pasahero, na kadalasang sanhi umano ng aksidente.

Dapat din aniyang planuhin ng commuters ang kanilang biyahe, magdala ng tubig upang makaiwas sa dehydration at maging mapagpasensiya sa kapwa commuters na nais ding umuwi ng lalawigan para sa Undas.

Mas makabubuti rin aniya kung hindi na magsasama pa ng sanggol o maliliit na mga bata sa sementeryo dahil ang mga ito ay madaling kapitan ng sakit na maaaring makuha mula sa impeksiyon, init at congestion.