Ni BEN ROSARiO
Hiniling ng isang mambabatas sa Kamara na imbestigahan ang mataas na singil ng mga punerarya at serbisyo sa libing sa bansa.
Halos kasabay ng paggunita ng Araw ng mga Patay bukas, inihain ni Kabataan party-list Rep. Terry Riddon ang House Resolution 1629 na nananawagan sa congressional inquiry upang marepaso ang mga umiiral na regulasyon sa industriya ng punerarya sa bansa.
Nanawagan si Ridon sa House Committee on Health at Committee on Social Services na repasuhin ang lahat ng batas at regulasyon sa mga punerarya at serbisyo sa libing na halos hindi na abot-kaya ng mga Pinoy.
“Death has a significant place in the cultural fabric of our nation. However, perhaps due partly to the weak regulation of this industry, funeral and burial services have become generally unaffordable for most Filipinos,” pahayag ni Ridon.
Bukod dito, mayroon ding mga punerarya na bulok ang serbisyo na dagdag pasanin para sa mga naulilang pamilya.
Nais ni Ridon na imbestigahan ang mga pangaabuso ng mga punerarya base sa kanyang mga naoobserbahan sa Zamboanga City.
Aniya, ilang operator ng funeral parlor ang kumukuha ng patay mula sa mga ospital at ineembalsamo ang mga ito bagamat walang pahintulot ng pamilya nito.
Dahil dito, napipilitan ang pamilya ng pumanaw na tubusin ang labi nito sa mapangabusong punerarya, ayon sa mambabatas.