Ni HANNAH L. TORREGOZA AT BEN ROSARiO

Nabalot ng tensiyon ang pagsisimula ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee nang biglang sumipot ang dalawang opisyal ng United Nationalist Alliance (UNA) upang magharap ng dokumento na magpapatunay umano na nagsinungaling si dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado sa pagharap nito sa komite noong Oktubre 22.

Samantala, muntik ding magpang-abot sina Buhay party-list Rep. Lito Atienza at OFW Family party-list Rep. Roy Señerez nang magduruan at magsigawan sa isang news forum sa Quezon City hinggil pa rin sa kontrobersiya na kinasasangkutan ni Vice President Jejomar C. Binay.

Bagamat walang imbitasyon mula sa Blue Ribbon Committee, sumipot sina UNA President at Navotas Rep. Toby Tiangco at Atty. JV Bautista, tagapagsalita ni Vice President Binay, sa Senate hearing habang bitbit ang isa umanong dokumento na magpapatunay na naospital si Mercado, taliwas sa pahayag nito.

National

Dalawang kabaong na nakahambalang sa NLEX, nagdulot ng trapiko

At nang biglang kunin ang microphone ni Bautista upang magbigay ng pahayag, ipinag-utos ni Senator Alan Peter Cayetano sa Office of the Sergeant-at-Arms (OSAA) na palabasin ito at si Tiangco sa Senate floor. “Huwag mo akong itulak!” pahayag ni Bautista sa isang miyembro ng OSAA.

Iginiit ni Cayetano dapat munang lumiham sina Tiangco at Bautista upang mabigyan ng pagkakataon na humarap sa pagdinig.

Sa Quezon City, nagkainitan din sina Atienza at Señerez nang mapadpad ang talakayan sa pulitika ang umano’y puno’t dulo ng mga alegasyon kay Binay.

“This Binay bashing especially is not helping the situation. No amount of bashing and scandalizing will bring him out of the race,” ayon kay Atienza.

Sinabi naman ni Señerez na sapat magpaliwanag si Binay sa publiko hinggil sa mga paratang sa kanya dahil ibinoto siya ng mga mamamayan.

“Sarcastic ka agad! Napakayabang mo!” bulyaw ni Señerez kay Atienza hanggang natuloy sa sigawan ng dalawang mambabatas.